Antiporda sa OMB: Tulungan ang NIA vs mga korap

Antiporda sa OMB: Tulungan ang NIA vs mga korap

November 16, 2022 @ 5:06 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Ibinunyag ng dating mamamahayag at kasalukuyang administrador ng National Irrigation Administration (NIA) na si Benny Diaz Antiporda na isang sindikato sa loob ng ahensya ang nasa likod ng mabilis na kautusan ng Office of the Ombudsman na suspindehin siya sa puwesto sa pagsasabing ang reklamo laban sa kanya ay sinadya upang “ipahiya” ang naghirang sa kanya– si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

“We all know of the rampant corruption at NIA; while there may only be a few involved, they are very well-organized,” sabi ni Antiporda na pormal na namuno sa NIA noong Hulyo 29, 2022.

Sa utos na may petsang Nobyembre 15, 2022, sinuspinde ni OMB Samuel Martires si Antiporda dahil sa umano’y grave misconduct, harassment, oppression, ignorance of the law and conduct prejudicial to the best interest of the service.

Pinangalanan din bilang respondents ngunit hindi sinuspinde ng OMB sina Senior Deputy Administrator Atty. Eryl Royce Nagtalon, NIA Senior Deputy Administrator; Acting Operations Department Manager Leslie Dizon; IEC Acting Manager Jerome Osias; Public Affairs (PAIS) Acting Manager Clarizze Toribio at General Services (GSD) Acting Manager Elaine Villanueva.

Tinukoy bilang nagrereklamo ang mga opisyal at miyembro ng NIA Employees Association (NIAEASP), Lloyd Allain Cudal, dating pinuno ng NIA Legal Service, Michelle Gonzales Raymundo, dating NIA board corporate secretary at isang hindi pinangalanang “concerned employee” ng ahensya.

Ang kredibilidad ng reklamo laban kay Antiporda, gayunpaman, ay kuwestyonable matapos maglabas ng pahayag si Eduardo G. Yu, pangulo ng NIAEASP, noong Miyerkules, Nobyembre 16, 2022, na itinatanggi ang nasabing reklamo umano nila laban sa pinuno ng NIA.

“The NIAEASP National Council during its meeting on Septembe 5, 2022, passed NC Resolution No. 13-2022, expressing its solid support to Administrator Antiporda’s leadership. That resolution still stands and remains unchanged,” ayon kay Yu.

Sa kabilang banda, ang NIA noong Setyembre 15, 2022, ay nagsampa ng reklamo laban kay Cudal at sa kanyang subordinate sa Legal Service na si Atty. Mary Annabelle Cruz-Domingo, kaugnay ng graft and corruption, gross and inexcusable negligence, inefficiency, incompetence, at iba pa.

Hinimok ni Antiporda ang OMB na magsagawa ng malalim na imbestigasyon kay Cudal matapos masilat sa isang legal na kaso ang NIA dahil sa “teknikalidad” na nagresulta sa isang kautusan sa ahensya na magbayad ng mahigit P205 milyon sa isang kontratista na nabigong tapusin ang isang irigasyon sa Central Luzon.

Nagsampa rin si Antiporda ng reklamo laban kay Raymundo sa OMB noong Oktubre 18, 2022, para sa betrayal of public interest, graft and corruption, habitual drunkenness, discourtesy, grave misconduct at maltreatment, at iba pa.

Ayon kay Antiporda, sa unang NIA board meeting na kanyang dinaluhan, sinubukan siyang papirmahin ni Raymundo sa isang kontrata sa irigasyon na nagkakahalagang mahigit P200 milyon ngunit tumanggi siya.

Dito na aniya nagsimula si Raymundo ng “kampanya” para hindi siya makumpirma bilang NIA administrator ng NIA board ngunit nabigo ito.

Idinagdag ni Antiporda na hinihimok din siyang aprubahan ang isa pang proyekto ng NIA na nagkakahalagang higit P800 milyon upang “i-automate” ang mga umiiral na dam sa bansa ngunit muli siyang tumanggi, at sinabing nakita niya ang “walang lohika” na panukala dahil hindi makikinabang ang mga magsasaka ng bansa.

Inamin ni Antiporda na nakita niyang “hindi pangkaraniwan” ang suspension order ng OMB laban sa kanya dahil nasuspinde siya nang hindi siya nakatatanggap ng kopya ng reklamo hanggang ngayon.

“At ang OMB ay hindi pa umaaksyon sa mga reklamo na inihain ko,” idiniin niya.

Sa pagbibigay-linaw sa sitwasyon, sinabi ni Antiporda na ang “magandang bagay” na lumabas sa kanyang preventive suspension ay napagtanto na ngayon ng publiko na ang OMB ay maaari palang kumilos nang mabilis sa isang reklamo, kung gugustuhin nito.

“Puwede naman palang maging mabilis ang aksyon ng Ombudsman sa mga reklamo.”

Umapela si Antiporda sa OMB na huwag hayaang magamit ng mga masasamang puwersa na gustong idiskaril ang kampanya ng administrasyong Marcos laban sa katiwalian.

“Nakikiusap po tayo sa Ombudsman na tulungan kami sa NIA; huwag po kayong magpagamit,” panawagan ng administrador.

Dagdag niya, hindi siya “kapit-tuko” sa puwesto at ipinauubaya na niya ang usapin kay Pangulong Marcos Jr., para magdesisyon kung dapat siyang manatili o hindi sa administrasyon. Nats Taboy