Antique nasa ‘state of calamity’ sa dengue

Antique nasa ‘state of calamity’ sa dengue

July 15, 2022 @ 12:15 PM 4 weeks ago


SAN JOSE DE BUENAVISTA, Antique –NASA state of calamity ngayon ang probinsya ng Antique dahil sa mataas na kaso ng nakamamatay na viral infection na dengue.

Sa ipinalabas na resolusyon ng Provincial Board nitong Huwebes , inilagay sa state of calamity ang 18 munisipalidad .

Ayon kay Board member Pio Jessielito Sumande Sr., matapos nilang aprubahan ang nasabing resolusyon ay nilagdaan na rin ito ni Antique Governor Rhodora J. Cadiao.

Ayon kay Antique Integrated Provincial Health Officer (IPHO) Dr. Ric Noel Naciongayo, nakapagtala ng kabuuang 1,575 kaso ng dengue mula Enero hanggang Hulyo 9 kabilang ang anim na namatay.

Aniya halos 556% na mas mataas kaysa noong nakaraang taon na 241 na mga pasyente kabilang ang dalawang nasawi.

Karamihan sa mga pasyente ay mula sa 5 bayan ng San Jose de Buenavista, na may 355 na kaso at isa ang nasawi; Sibalom na may 266 na kaso at isa rin ang namatay; Hamtic na may 180 kaso 2 naman ang namatay; Bugasong na amy 170 kaso, isa ang patay at sa bayan ng Anini-y na may 107 kaso.

May iba rin report na may namatay sa bayan ng Patnongon at mayroon 56 na kaso ng dengue.

Sinabi naman ni Cadiao na kukuha ng kaukulang budget mula sa natitirang Quick Response Fund (QRF) para sa dengue prevention at response programs.

Dagdag pa ni Naciongayo, na may kabuuang P12.7 milyon ang kinakailangan budget para makabili ng mga kinakailangang kagamitan gaya ng misting machine, spray cans, insecticides , at mga kemikal para sa pagkontrol ng vector.

“Kailangan din namin ng dengue duo kit para sa diagnosis at mga intravenous fluid para sa paggamot,” ani pa ni Naciongayo.

Sa ngayon sinisikap ng IPHO na mabigyan ang lahat ng local government unit ng mga kagamitan para mapigilan ang pagkalat ng dengue./Mary Anne Sapico