“ANYARE?”

“ANYARE?”

January 12, 2023 @ 8:50 AM 2 weeks ago


MAGKAKABULOL-BULOL ka talaga sa pagtatanong kung bakit ang ating Ninoy Aquino International Airport ay binansagang pinakamasaklap na paliparan sa buong mundo.

Mangyari kasi, una, noong Nobyembre 2022 tinawag itong isa sa ‘Most Stressful Airports’ sa mundo. Pagpasok ng ‘holidays’, mas matindi na ang bansag dito. Isa na siya sa ‘worst airports’ sa mundo.

Ang NAIA pa naman ang itinuturing natin at ng lahat ng mga banyaga, na pintuan o ‘main gate’ ng ating bansa. Ang mga ganitong pagbabansag ay nakakasama sa imahe ‘di lamang ng ating airport, kundi mismo sa ating bayan.

Mas masaklap, ang sumunod na nangyari. Halos 300 flights, ang nadelay , nakansela o kaya naman ay na-divert sa ibang regional airport at naapektuhan nito ang halos 60,000 pasahero o biyahero.

Ang dahilan, ang tinatawag na Communications, Navigation and Surveillance Systems for Air Traffic Management ng ating airport ay bumigay lang naman.

Pinakamasaklap, nangyari ito noong New Year’s Day, January 1. Sinalubong natin ang Bagong Taon nang may sira ang ating pintuan o gate, kumbaga.

Kabi-kabila ang mga tanong hanggang sa magkabulol-bulol na ang iba. “Anyare?”.
Kabi-kabila rin ang pagpapaliwanag sa insidente. May nagpaliwanag ng teknikal, may nanisi at may nagpatawag ng imbestigasyon.

Sa akin na ring pagtatanong, noon pa palang 2018 nang maglaan ang Kongreso ng P13 bilyon para makabili ang Department of Transportation ng ‘state-of-the-art’ na CNS/ATM para gamitin ng Civil Aviation Authority of the Philippines .

Anyare? Ang pinakatanong, sa pagbili o sa pondong nailaan para sa CNS/ATM.
Ya-ya-yan ang ma-ma-mabigat! Teka, pati tuloy ako ay nabulol na sa mga pangyayaring bumabalot sa NAIA.

Maging si Pangulong Bong Bong Marcos ay napatakbo na sa NAIA kamakailan lang, upang alamin ang problema at bigyan ito ng solusyon.

Kailangan pa ba ng isang PBBM para masolusyunan ito? ‘Di ba kaya nga nagtatalaga ng mga tao o opisyal para rito ay para matugunan ang mga ganitong mga sitwasyon?

oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!