Aparri vice mayor, 5 iba pa patay sa ambush

Aparri vice mayor, 5 iba pa patay sa ambush

February 19, 2023 @ 3:52 PM 1 month ago


NUEVA VIZCAYA – Patay ang bise alkalde ng Aparri, Cagayan at limang kasama nito sa nangyaring pananambang ng hindi pa nakikilalang mga suspek na nakasuot ng uniporme ng pulis habang ito ay bumibyahe sa Bagabag, Nueva Vizcaya nitong Linggo, Pebrero 19.

Sa impormasyon, nakasakay ng itim na Hyundai Starex Van na may plakang KOV 881 si Vice Mayor Rommel Alameda at limang kasama nito, nang tambangan ng mga naka-unipormeng kalalakihan sa Sitio Kinacao, Baretbet, Bagabag, ng nasabing probinsya.

Sinasabing sakay naman ng puting Mitsubishi Adventure na may pulang plaka na SFN 713 na nangangahulugang government car ang ginamit ng mga suspek na nakasuot ng uniporme ng pulis at nakasuot ng mask.

Sinasabi pa na hinarangan ng barikada ng mga pumatay ang bahagi ng kalsada sa tapat ng MV Duque Elementary School sa Baretbet, at nang dumating ang sasakyan ni Alameda ay doon na sila pinaulanan ng bala.

Hanggang sa ngayon ay kasalukuyang pinoproseso ng Scene of the Crime operatives o SOCO ang lugar kung saan nakita ang ID ni Vice Mayor Alameda.

Sa panayam ng REMATE kay PMaj. Jolly Villar, tagapagsalita ng Nueva Vizcaya Police Provincial Office o NVPPO na kasalukuyan pa ang kanilang imbestigasyon sa naturang insidente.

Patay on the spot ang bise alkalde at mga kasamahan nito ngunit dinala pa rin sa Region 2 Trauma and Medical Center kung saan idineklarang dead on arrival.

Tadtad ng bala sa katawan si Vice Mayor Alameda kung saan ay natanggal pa ang kanyang isang mata na tinamaan ng hindi pa mabatid na uri ng baril kung kaya’t hindi agad nakilala ng pulisya.

Hindi pa natukoy ang pagkakakilanlan ng limang kasamahan nito. Rey Velasco