Aparri VM ambush nakalulungkot, nakagagalit – Abalos

Aparri VM ambush nakalulungkot, nakagagalit – Abalos

February 21, 2023 @ 11:06 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Mariing kinokondena ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang isa na namang nakababahalang krimen laban sa isang lokal na opisyal sa loob lamang ng ilang araw.

Nitong Linggo ay tinambangan ng hindi pa kilalang mga salarin si Vice Mayor Rommel Alameda ng Aparri, Cagayan at ang lima pa niyang kasamahan sa Bagabag, Nueva Vizcaya na humantong sa kanilang pagkamatay.

“Ipinapaabot po namin ang aming pakikiramay sa naulilang pamilya ni Vice Mayor Alameda at ng kanyang mga kasama. Makakaasa ang mga kaanak at pamilya ng mga biktima na tututukan ng kapulisan ang kaso at gagawin ang lahat para manaig ang hustisya.” pahatag ni DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr.

“Nakakalungkot at nakakagalit ang insidenteng ito. Tila nagiging garapal na ang mga kriminal na ito at wala ng pag-aatubili sa pagsasagawa ng kanilang masamang gawain. Hindi natin papayagang magpatuloy ang mga ganitong uri ng krimen at mamayani ang kasamaan”. saad pa ng kalihim

Sa ngayon ay kumikilos na ang Special Investigation Task Force ng Police Regional Office para imbestigahan ang insidente at agad na mahuli ang mga responsable sa likod ng karumal-dumal na krimen na ito at pinasisiyasat din namin ang mga ulat na sinasabing mga pulis o nakaunipormeng ng pulis ang mga suspek.

Inaatasan na rin ni Abalos ang Philippine National Police (PNP) na ireview ang mga polisiya at proseso sa pag-iisue ng armas at mas maging mahigpit sa pagbibigay ng license to own firearms pati na ang permit to carry firearms outside of residence.

Kailangan ding mas maging masigasig ang PNP sa pagsasagawa ng Oplan Katok o pagbibisita sa mga bahay upang kusang isuko ang mga armas na expired na o hindi rehistrado at ito’y agad na kumpiskahin.

Maliban dito, kailangan na magsagawa rin ng mas madalas na pagpapatrolya sa mga lansangan ang kapulisan upang magdalawang-isip ang mga masasamang-loob na isakatuparan ang kanilang masamang balak.

‘Inuutos ko rin ang mahigpit na ipatupad ang mga polisiya sa iligal na pagbebenta at paggamit ng police uniforms. Walang dapat magbenta ng police uniforms kundi ang mga accredited suppliers lamang at walang dapat mag-uniporme ng pulis kundi pulis lamang’ paliwanag pa ni Abalos.

‘Nananawagan ako sa mga mamamayan na ireport sa autoridad kung mayroon silang nalalaman na makatutulong sa imbestigasyon ng pulisya sa nasabing pamamaslang’.dagdag pa ng opisyal.

Naninindigan ang DILG na patuloy nitong poprotektahan ang sambayanang Pilipino tungo sa mas mapayapa at mas ligtas na Pilipinas. Huwag nating hayaang mamayani ang karahasan. Magtulungan po tayo para sa ikapapayapa ng ating bansa. Jan Sinocruz