Apat na bagyong papasok sa Pilipinas, FAKE! – PAGASA

Apat na bagyong papasok sa Pilipinas, FAKE! – PAGASA

July 20, 2018 @ 7:42 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines –  Nagbabala ang ahensiya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) tungkol sa kumakalat na maling impormasyon tungkol sa apat na Low pressure Area (LPA) na papasok sa bansa.

Ito ay matapos mag-viral sa social media ang litrato na nagpapakita ng apat na LPA malapit sa Pilipinas  kung saan nai-share na ito ng nasa 50,000 na beses.

Ayon sa PAGASA, isa lamang na LPA ang patuloy na binabantayan ng ahensiya na nasa labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

Ayon kay PAGASA weather forecaster Chris Perez, namataan ang LPA sa 435 kilometers kanluran ng Laoag City, Ilocos Norte.

Inabisuhan naman ng ahensiya ang publiko na manatiling alerto at maging updated dahil maaaring tuluyan ng maging bagyo ang LPA sa weekend.

Samantala, ayon sa advisory ng ahensiya kaninang alas-5 ng hapon, ang bagyong Inday ay namataan sa 945 kilometers east-northeast ng Basco, Batanes na may dalang hangin na nasa 90 kph at bugso na nasa 115 kph.

Gumagalaw ito patungong hilagang kanluran sa bilis na 15 kph at maaring umalis ng bansa Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga.

Patuloy na makararanas ng panaka-nakang pag-ulan hanggang sa malakas na ulan ang Ilocos region at Cordilleras dahil sa LPA at habagat.

Light to moderate naman ana pag-ulan ang mararanasan ng Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON at Occidental Mindoro.

Asahan din ang pabugso-bugsong pag-ulan sa iba pang bahagi ng Luzon, Western Visayas at Western Mindanao. (Remate News Team)