Apat na event pinagharian ni Obebe COPA-SMP swim tourney

Apat na event pinagharian ni Obebe COPA-SMP swim tourney

December 12, 2022 @ 10:51 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakumpleto ni Paulene Beatriz Obebe ang isa pang sweep habang kinapos si Nicola Queen Diamante  sa kanyang huling hataw sa pagtatapos ng 1st COPA-SMP (Congress of Philippine Aquatics, Inc.-Samahang Manlalangoy ng Pilipinas) Christmas Friendship Swimfest nitong weekend sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Maynila.

Isinara ni Obebe, ang ipinagmamalaki ng Aqua Sprint Swim Club, ang kanyang kampanya sa apat na nilahukang event sa pamamagitan ng mahusay na pagtatanghal sa girls 12-yrs-old 100m freestyle sa tyempong  isang minuto at 06.76 segundo na nagpatibay sa kanyang Most Outstanding Swimmer (MOS) award.

Tinaguriang ‘Diamond Girl’ ng COPA, si Diamante ng RSS Dolphins ni coach Anthony Reyes, ay naungusan ni  Maria Felisha ng Bulacan Water Dragons sa 11-yrs old na Class A 100m freestyle.

Ang Grade 7 honor student ng Augustinian Abbey School sa Las Pinas ay naorasan nang 1:11.77 sa likod ng 1:08.79 clocking ni Celso. Ang kabiguan ang una ni Diamante mula nang bumalik ang COPA event noong Agosto. Nakamit niya ang MOS sa kanyang event matapos manalo ng 50-meter freestyle (31.66), 50m backstroke (34.43) at 50m butterfly (34.43). Sa kabuuan, nakakuha siya ng 24 na gintong medalya.

“Pagbubutihan ko na lang po sa susunod. Kung ano po yung pagkukulang ko sa nakita ni coach, itatama ko po para sa susunod na mga tournaments,” said Diamante.

Nararapat na doblehin ni Diamante, gayundin ng mga batang swimmers anuman ang kanilang kinaaanibang swim club, ang pagsasanay at paghahanda dahil ang COPA ay maglalabas nang mas malalaking torneo sa susunod na taon kabilang ang pagho-host ng dalawang international-flavored meet.

Sinabi ni COPA Board member at SMP president na si Chito Rivera na kinumpirma na ni Rob Wright ng sikat na HongKong swimming family at pinuno ng HK Swim Club na magpadala ng isang dosenang swim club sa tournament ng COPA na pansamantalang itinakda sa Marso sa susunod na taon.

Bukod dito, iginiit ni Rivera na plano ng COPA na magdaos ng mas maraming tournaments, at education seminars para sa mga coaches at public schools PE teachers gayundin ang pagpapatuloy ng vision ni COPA president at Batangas 1st District Congressman Eric Buhain na makipagtambalan sa  iba pang swim clubs at organizations para patatagin at maisulong ang isang nagkakaisa at progresibong swimming grassroots program sa bansa.

Sa iba pang resulta, nanguna si Mayumi Fenol sa girls 11-yrs-old 50m freestyle Class B (35.85), Jezreel Althea Emmanuel (C, 48.56), Janna Rysa Articulo in girls 12-yrs-old Class B (34.40), Dianne Sta.Maria (C, 39.30), girls 11-yrs-ol 50m back Class B Eisha Gem Consuega (43.26), at Zeighden Jacinto (C, 49.12).RICO NAVARRO