Florida – Kinasuhan ng Florida grand jury ang apat na lalaki ng kasong first-degree murder at armed robbery sa pagpatay sa rap star na si XXXTentacion.
Kinilala ang mga suspek na sina Dedrick Williams, 22-anyos, Michael Boatwright, 22-anyos, Trayvon Newsome, 20-anyos at Robert Allen, 22-anyos na pormal na kinasuhan ng Broward County panel noong Miyerkules (July 18).
Ayon sa warrant na pinasa sa Boatwright case, ang minamanehong kotse ni XXXTentacion, Jahseh Onfroy totoong pangalan, ay hinarang ng isang SUV habang papalabas ito ng Riva Motor Sports motorcycle shop noong June. Dalawang nakamaskarang lalaki ang lumabas ng SUV na may dalang baril upang holdapin ang rapper na mayroong Louis Vitton bag na naglalaman ng $50,000 cash, ayon sa pulis.
Matapos manlaban, nagtamo ang 20-anyos na rapper ng tama ng baril mula sa mahigit sa isang gunmen, agad namang tumakas bitbit ang bag na may lamang pera ang mga suspek, ayon pa sa awtoridad. Sa mga pinangalanang suspek, sinabi sa isinampang kaso na si Boatwright ang dumali kay XXXTentacion.
Naaresto si Williams dalawang araw matapos ang pamamaril habang si Boatwright ay naaresto nitong July sa kaibang kaso ng iligal na droga. Patuloy na pinag hahanap ng mga awtoridad sina Allen at Newsome.
Si XXXTentacion ay isang pasikat palang na rapper at kilala sa kaniyang mga kantang tungkol sa depression at prejudice. Umani rin siya ng pambabatikos dahil sa kaniyang masamang pag-uugali at kinasangkutang iba’t ibang kaso gaya ng pananakit sa kaniyang girlfriend. (Remate News Team)