Manila, Philippines – Limang miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG) at isang sundalo ang nasawi sa nangyaring sagupaan sa Patikul, Sulu noong Huwebes (July 19).
Sugatan naman ang dalawang iba pang sundalo at limang miyembro pa ng Abu Sayyaf.
Ayon kay Brigadier Gen. Divino Rey Pabayo, Joint Task Force -Sulu Commander, nangyari ang bakbakan sa pagitan ng militar at ng ISIS-imspired terror group sa boundary ng Barangay Tanum at Liang sa bayan ng Patikul.
Tinatayang nasa 20 miyembro ng Abu Sayyaf na nasa ilalim ni sub leader Almujer Yaddah ang nakasagupa ng tropa sa masukal na bahagi ng nabanggit na lugar.
“The wounded soldiers were airlifted to Camp Navarro General Hospital early this morning for further medication,” pahayag ni Pabayo.
Samantala, nakasagupa rin ng mga elemento ng 1st scout ranger batallion sa pangunguna ni Major Grezula ang isa pang pangkat ng ASG sa ilalim naman ni Almadjan Sahidjuan alyas Apoh Mike sa Barangay Tabu-Bato, Mainbung, Sulu dakong alas 9:30 ng umaga kahapon.
Patuloy pa ang clearing operations sa nabanggit na mga lugar.(Jeff Gallos)