Manila, Philippines – Ni-relieve na sa puwesto ang apat na tauhan ng Manila Police District-Station 9 matapos matakasan ng preso sa Ospital ng Maynila.
Ayon kay Supt. Carlo Magno Manuel, bagong talagang tagapagsalita ng MPD, kabilang sa na-relieve sina Deputy Station Commander na si P/Chief Inspector Romeo Salvadora , jailer na si PO1 Lyzer Sagala, at dalawang escort na sina PO1 Rolly Q.Mendaño, PO1 Elvin Ramirez.
Ayon kay MPD Station 9 Commander PSupt. Roberto Domingo, sasampahan din ng kasong administratibo ang nasabing mga pulis dahil sa kapabayaan.
Sa naunang ulat, nakatakas sa kamay ng mga police escort ang isang Armand Arroyo, na may kaso ng paglabag sa Republic Act 9165 o Dangerous Drug Act kaninang madaling-araw.
Ayon kay Domingo, dinala sa Ospital ng Maynila si Arroyo dahil naninikip ang dibdib, dulot ng sakit sa puso o enlargement of the heart.
Sa medical record, dinala ng mga tauhan ng MPD Station 9 sa emergency room ng Ospital ng Maynla si Arroyo dahil sa lupaypay na at iba na ang kulay nito.
Nang maging maayos na ang pakiramdam, nagpaalam si Arroyo na magpupunta sa comfort room ngunit makalipas ang ilang minuto ay hindi na bumalik, na huli na nang mapansin ng mga police escort.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)