APEKTADO NG OIL SPILL TINUGUNAN NG DSWD

APEKTADO NG OIL SPILL TINUGUNAN NG DSWD

March 8, 2023 @ 12:15 AM 2 weeks ago


AGARANG rumesponde ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa mga apektadong pamilya sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development kaugnay sa nangyaring oil spill sa karagatan ng Naujan, Mindoro noong Pebrero 28 makaraang lumubog dito ang MT Princess Empress na kargado ng industrial na langis.

Mismong si DSWD Secretary Rex Gatchalian ang namuno sa pamimigay ng ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation  at Cash for Work sa mga pamilyang karamihan ay mangingisda na sadyang apektado ng pagkalat ng langis sa karagatan ng Mindoro na umabot na rin sa ilang baybaying lugar sa Palawan.

Siniguro rin ni  Gatchalian na matapos ang nangyaring oil spill ay agarang namahagi ng food packs ang kagawaran sa mga residente ng Naujan,Pola,Pinamalayan,Bongabong,Bansud at iba pang bayan sa lalawigan sa pakikipagtulungan ng Gobernador nitong si Bonz Dolor.

Idinagdag pa ng kalihim na aabot sa 10,000 food packs ang ipamimigay ng DSDW sa mga residente kada apat na araw upang may nakahandang pagkain sila at kanilang pamilya habang hindi makapangisda  sa karagatang patuloy na nalilinis naman ang asayte sa baybaying dagat.

Patuloy naman na nagpapadala ng karagdagang food packs ang DSWD Central sa Mindoro at Palawan lalo na sa mga isla upang hindi magutom ang mga tagaritong isinailalim na sa State of Calamity ni Dolor.

Inaasahang malala ang perhuwisyo ng oil spill sa kabuhayan ng mga residente rito ayon sa DENR kung saan 21 na mga protected area o marine sanctuary ang tatamaan nitong kanlungan at breeding ground ng yaman-dagat na pangunahing pantawid gutom naman ng nakararaming mangingisda rito.

Samantala nagkakahalaga ng 78.9 milyong piso ang 42,400 na family food packs ang naka stand by sa DSWD-Mimaropa kung saan walang tigil ang pamimigay sa mga naapektuhang pamilya alinsunod na rin sa kautusan ni PBBM.