Apektadong pamilya sa bagyong Paeng sa Bicol, lumobo na sa 15K

Apektadong pamilya sa bagyong Paeng sa Bicol, lumobo na sa 15K

October 29, 2022 @ 3:48 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Umakyat na sa 15,426 na pamilya o 72,089 indibidwal ang apektado ng bagyong Paeng at nananatili sa mga evacuation centers at pribadong tirahan sa Bicol region.

Ito ang iniulat ni Gremil Alexis Naz, spokesperson of Office of Civil Defense – Bicol nitong Sabado, Oktubre 29 kung saan ayon sa kanya ay mayroong 15,296 pamilya o 71,676 indibidwal mula sa mga landslide at flood-prone areas ang namamalagi sa mga evacuation center samantala 130 pamilya o 413 katao ang tumutuloy sa ibang tirahan.

Biyernes pa ng umaga ay nagsimula na ang lokal na pamahalaan sa pre-emptive at forced evacuation sa mga high-risk areas.

Ngayong araw din ay binawi na ni Albay Governor Noel Rosal ang suspensyon ng pasok sa mga opisina at pinayagan na ring magbalik operasyon ang mga mall, groceries, supermarkets at iba pang pamilihan na matatandaang sinuspinde kahapon bilang paghahanda sa banta ng bagyong Paeng. RNT/JGC