Apektadong pamilya sa Mindoro oil spill, 19.9K na

Apektadong pamilya sa Mindoro oil spill, 19.9K na

March 13, 2023 @ 3:10 PM 2 weeks ago


ORIENTAL MINDORO- Umabot sa 19,900 na pamilya ang apektado ng oil spill mula sa motor tanker na lumubog ilang linggo na ang nakakaraan sa lalawigan ito.

Ayon kay Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor, malaki ang epekto sa kabuhayan at kalusugan ng nasa 99,000 katao o 19,900 pamilya na residenteng nakatira lalo na malapit sa baybayin ng lumubog na MT Princess Empress na may dalang 800,000 litro ng langis.

“Medyo mabigat na po ang tama lalo na sa Pola na kung saan lahat ng barangay ay sakop ng oil spill sa kanilang shorelines, maraming isda ang namatay, habang ang ilang seagrasses, corals, at mangrove ay nasira din dahil sa oil spill,” ani Dolor.

Sinabi ni Dolor na nasa 122 residente na sa lalawigan ang nagkasakit dahil sa epekto ng oil spill.

Ang ilan sa kanila ay may mga sintomas ng hirap sa paghinga, habang ang iba ay nakaranas ng pagsusuka at pagtatae.

Umaasa naman ang gobernador na hindi na aabot pa sa natitirang 64 na lugar ang oil slick dahil 13 lamang sa 77 lugar na idineklara sa ilalim ng state of calamity ang matinding naapektuhan ng oil spill.

Nagsagawa naman ng malawakang paglilinis ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes sa mga lugar na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro, partikular sa Naujan at Pola.

Aminado naman si PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na hindi pa sila makapagbigay ng tiyak na timeline kung kailan tuluyang malilinis ang oil spill sa kabila ng apat na buwang palugit na ibinigay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Samantala, sinabi naman ni Palawan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) chief Jerry Alili, na walang silang nakikitang oil spill sa baybayin at mahigpit nila itong binabantayan.

Tiniyak naman na Alili na ligtas ang Palawan sa kabila ng nakitang epekto ng oil spill sa barangay Casian sa Taytay Palawan na may 295 kilometro ang layo mula sa Naujan. Mary Anne Sapico