Apela ng healthcare professional na mag-ECQ, igalang – LP

Apela ng healthcare professional na mag-ECQ, igalang – LP

August 2, 2020 @ 11:11 AM 2 days ago

Share

Manila, Philippines – Hiniling ng Liberal Party (LP) sa Inter-Agency Task Force Management for Emerging Infectious Disease (IATF) na igalang at respetuhin ang apela ng health care professional na ibalik sa enhance community quarantine ang Metro Manila at Calabarzon dahil napupuno na ang mga ospital.

Sa pahayag, sinabi ng partido na reasonable ang apela ng health care professional dahil sila ang nakakaalam ang aktuwal na sitwasyon sa mga pagamutan at health facilities.

“Kahapon, naglabas ng mga pahayag ng pagtanggi ang administrasyon sa apela ng mga frontliner na mag-ECQ muna upang hindi maoverburden ang mga ospital sa pagtaas ng kaso ng COVID. Risonableng apela ito, na may malinaw na dahilan: Last line of defense ang mga medical professionals. Naghihikahos na sila. Kapag bumagsak sila, wala na tayong ibang matatakbuhan,” ayon sa pahayag ng partido.

Umaasa ang partido na pag-iisipan pa ng mas malalim ng pamahalaan ang desisyong ito na irerespeto nila ang karanasan ng mga nasa frontline, mag-eempathize sila, at makikita nila ang halaga ng hinaing sa mas malaking konteksto ng pandemic response.

“Kung talagang mananatili tayo sa kasalukuyang status quo ng GCQ, nais naming idiin: Walang ECQ, pero hawak pa rin natin ang ating mga kilos,” ayon sa LP.

Nanawagan din ang partido sa lahat ng kanilang chapters at pangkalahatang mamamayan na huwag nang lumabas ng bahay, kundi kinakailangan upang mabawasan ang pagkakalat ng virus.

“Huwag nang lumabas sa tahanan kung hindi kailangan. Maging mahigpit sa sarili sa pagsunod ng safety measures, lalo na ang social distancing, pagsusuot ng facemask, at paghuhugas ng kamay,” ayon sa LP.

Anila, kung maaari, mag-self-impose na ng lockdown sa sariling mga tahanan at pamilya.

“Hindi lahat makakasunod dito, dahil may mga kailangang magtrabaho. Pero kung babawas ang taong lumalabas, babawas din ang panganib para sa lahat. Babawas ang pagbuhos ng mga pasyente sa ospital. Mabibigyan ng buwelo ang ating mga frontliners,” giit ng partido.

“Patuloy ang ating pagtatatrabaho at dalangin sa kaligtasan ng lahat,” dagdag pa nila. Ernie Reyes

Share

Comment (1)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *


Loading...