Apela ni Mamba sa disqualification case dedesisyunan na ng Comelec

Apela ni Mamba sa disqualification case dedesisyunan na ng Comelec

January 6, 2023 @ 6:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Malapit nang magdesisyon ang Commission on Elections (Comelec) en banc sa motion for reconsideration na inihain ni disqualified Cagayan governor Manuel Mamba dahil na-raffle na ang apela sa isa sa mga commissioner, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia noong Biyernes, Enero 6.

Sinabi ni Garcia sa public briefing na base sa rekord ng Comelec, naghain si Mamba ng kanyang mosyon noong Disyembre at na-raffle na rin sa isang ponente sa pitong miyembro ng komisyon.

“Therefore po, sa mga susunod na araw o panahon ay asahan ninyo po na kaagad at mabilis na madedesisyunan ng Comelec ang motion for reconsideration upang alamin talaga kung tama talaga ang desisyon ng dibisyon o ito ba ay ia-affirm ng en banc [at] ano ba ang magiging pinal na desisyon ng komisyon sa bagay na ito,”

Noong Disyembre 14, naglabas ng resolusyon ang Comelec Second Division na nagdidiskuwalipika kay Mamba mula sa 2022 governatorial race sa Cagayan para sa umano’y paglabag sa election spending ban.

Nilagdaan ang resolusyon ni Presiding Commissioner Marlon Casquejo at Commissioners Rey Bulay at Nelson Celis. Jocelyn Tabangcura-Domenden