Aplikasyon bilang Chief Justice ng Korte Suprema, bukas na

Aplikasyon bilang Chief Justice ng Korte Suprema, bukas na

June 25, 2018 @ 5:01 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Bukas na ang nominasyon o paghahain ng aplikasyon para sa nabakanteng posisyon ng pagka-Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Sa anunsyo ng JBC, sinimulan na ang pagtanggap ng aplikasyon at sa Hulyo 26, 2018 ang huling petsa ng paghahain ng aplikasyon at mga rekisito.

Otomatiko namang makakasama sa nominasyon ang limang senior associate justice ng Kataas-taasang Hukuman, ngunit kailangang maghain sila ng acceptance of nomination bago dumating o sa mismong araw ng Hulyo 26, ayon sa JBC.

Nabakante ang nasabing posisyon matapos mapatalsik sa posisyon si dating Chief Justice Ma.Lourdes Sereno dahil sa quo warranto petition.

Samantala, inihayag din ng JBC may napili na silang walong personalidad na maaaring pumalit sa magreretirong si Associate Justice Presbitero J. Velasco, Jr.  na bababa sa posisyon sa Agosto 8 ngayong taon.

Kabilang sa shortlist ng JBC ay sina Associate Justice Apolinario Bruselas Jr; Justice Rosmari  D. Carandang; Justice Ramon R. Garcia;  Ramon Paul L. Hernando; Amy C. Lazaro-Javier; Court Administrator Jose Midas P. Marquez; Jose C. Reyes Jr.;  at Cesar L. Villanueva. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)