APPLE GADGETS NA  WALANG ADAPTER IREKLAMO 

APPLE GADGETS NA  WALANG ADAPTER IREKLAMO 

September 10, 2022 @ 4:33 PM 3 weeks ago


ALAM ba ninyong pinarurusahan sa ibang bansa ang kompanyang Apple sa pagbebenta nito ng mga produkto nito nang kulang-kulang?

Sa Brazil, minulta ng Ministry of Justice and Public Security ang Apple ng halos P14 milyon dahil dito.

Idinemanda ang Apple ng consumer group na Senacon na nagsabing isang uri ng diskriminasyon sa mga konsumidor ang pagbebenta ng produktong kulang-kulang.

Naganap ang pagmumulta makaraang walang power adapter o charger ang mga benta ng Apple na iPhone 14, 14 Pro at Apple Watch Ultra.

At nang pagtatanungin naman natin ang mga nakabili na ng mga iPhone na mga kasamahan natin, anak ng tokwa, simula pa lang pala sa iPhone 12, wala nang kasamang charger.

At wala na rin ang mga earphone at isang charger cable na lang ang isinasama.

Kung gusto mong magkaroon ng charger, kailangan mong bumili sa tindahan ng Apple o sa iba.

At napakamamahal ang mga ito.

Reklamo pa ng mga Brazilian, kulang-kulang na nga ang laman ng set, mahal pa rin ang i-Phone at maging ang relong Apple.

Bukod dito, may sariling disenyo o itsura ang mga male o female plug ng i-Phone at hindi magagamitan ang mga Apple product na ito ng mga charger na dinisenyo ng iba.

MALING-MALI!

Ito ang reklamo ng mga Pinoy na nakausap nating may mga iPhone.

KATWIRAN NG APPLE

Simple lang ang katwiran ng Apple.

Gusto raw nilang makatulong laban sa carbon footprint.

‘Yun bang == gusto nilang makatulong sa pagbabawas ng carbon dioxide na pinagmumulan ng pag-iinit ng mundo.

Ginagawa ang mga charger ng mga pabrika na gumagamit ng mga produktong langis na pinagmumulan umano ng carbon dioxide.

Pero kung iisipin, paano kung walang gagawa ng mga charger na tugma sa Apple?

Eh ‘di nganga ka kapag nalobat ang iPhone mo.

DAPAT IREKAMO

Gaya ng ginawa sa Brazil, dapat ding magpasimula ang mga Pinoy ng reklamo laban sa apple.

Dahil kung ano ang ginagawa nila sa Brazil, ginagawa rin pala nila sa Pilipinas.

Saan ka naman nakakita ng produktong wala palang silbi makaraang malobat?

Eh, mabuti kung mura lang ang Apple gadgets.

Kabilang sila sa mga pinakamahal na produkto at titindig ang balahibo mo sa presyo ng mga ito.

Isang malaking hamon sa mga Pinoy ang pagtulad sa mga Brazilian na nagsampa ng kaso laban sa higanteng kompanyang Amerikano  na may gawa ng Apple.