Appointment ni Cascolan sa DOH, pinalagan ni Hontiveros

Appointment ni Cascolan sa DOH, pinalagan ni Hontiveros

October 24, 2022 @ 3:49 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Matinding pinalagan ni Senador Risa Hontiveros ang pagkakatalaga kay dating PNP Chief Camilo Cascolan bilang undersecretary ng Department of Health (DOH) sa kawalan ng kuwalipikasyon, expertise at hindi aktibo sa public heath sector.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na tulad ng marami, hindi nito inaasahan ang pagkakatalaga kay Cascolan sa DOH.

“Aside from considering him a friend and my mistah, I respect Gen. Cascolan as an officer and a gentleman. His stint at the PNP speaks for itself,” giit ni Hontiveros.

“But the DOH should and must always be a public health-led agency, especially as we continue to deal with COVID-19 and other burdens of disease,” dagdag ng senador.

Aniya, kanyang kinikilala ang prerogative ng chief executive na magtalaga ng sinuman sa alinmang ahensiya ng pamahaaan pero mali ang kanyang inaasahan.

“We hope that the DOH will find suitable roles for Usec. Cascolan to further add value in addressing threats to public health security and safety in our communities,” ani Hontiveros.

Kamakailan, kinumpirma ng DOH ang pagkakatalaga kay Cascolan sa ahensiya kabilang ang ilang opisyal ngunit wala pang kalihim nito.

“Yes, we confirm the receipt of the appointment papers of Mr. Camilo Cascolan, Atty. Charade Mercado-Grande and several directors,” ayon sa DOH sa media Viber message.

Kabilang sa itinalaga sina:

Charade Mercado-Grande — Assistant Secretary

Maria Lourdes Caballero Santiago — Director IV

Girlie Enriquez Veloso — Director IV

Maria Joyce Udtuhan Ducusin — Director III

Sophia Macaranas Mancao — Director III

Nanatili namang Officer-In-Charge si Usec. Maria Rosario Vergeire.

Naniniwala rin si Cascolan na maaari siyang makapag-ambag ng mga ideya tungkol sa mga protocol laban sa COVID-19 gayundin sa iba pang isyu tungkol sa kalusugan. Ernie Reyes