Appointment ni DENR chief Loyzaga lusot na sa CA

Appointment ni DENR chief Loyzaga lusot na sa CA

September 27, 2022 @ 5:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inaprubahan ng Commission on Appointments (CA) committee nitong Martes ang ad interim appointment ni Ma. Antonia Yulo Loyzaga bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Itinulak ni CA Chairperson at Senate President Juan Miguel Zubiri na aprubahan ng CA Committee on Environment and Natural Resources ang appointment ni Loyzaga — at pumangalawa naman sina CA panel chairperson, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at Senator Risa Hontiveros.

Sa committee hearing sa kanyang appointment, tinanong si Loyzaga ukol sa kanyang posisyon sa small-scale mining, open-pit mining, isyu ng Masungi Georeserve, at ang pagmana sa 34 entities.

Si SAGIP Rep. Rodante Marcoleta ang nagbanggit sa mana ni Loyzaga base sa kanyang sworn disclosure ng business, financial personal at professional connections and interest na isinumite sa komite.

“You disclosed 34 entities in your submitted sworn disclosure of business, financial personal and professional connections and interests,” paglalahad niya.

“Papaano po ba ito? Kasi kailangan po ‘ata ng mga divestments para sa ganon malinis po, hindi tayo mapag-isipan ng kung anu-ano sapagkat napaka-importante po kasi ng posisyon na itinalaga po sa inyo ng ating pangulo. Puwede niyo po ba sabihin sa amin para naman mapanatag si Senator [Cynthia] Villar,” sabi ni Marcoleta.

Agad naman siyang pinutol ni Villar at ipinaliwanag sa kanyan hindi pwedeng mag-divest mula sa namana.

“Inheritance ‘yan. You cannot divest inheritance,” ani Villar.

“Wala po kasing nakalagay na inheritance…I’m talking about 34 entities kasi kung ito ay apat lang siguro… eh 34 ito,” giit naman ni Marcoleta.

Ipinaliwanag ni Zubiri na si Loyzaga ay mula sa pamilya na itinuturing na isa sa pinakamayamang angkan noong 1950s at 1960s.

“They are a very wealthy family that’s why I know there will be no corruption, kasi she will never accept a single centavo out of corruption cause their family is a family of integrity..She comes from a very wealthy family and these are all… none of them of which are ill-gotten. Mana ‘yan from mga ninuno niya,” giit ni Zubiri.

Sinegundahan naman ni Legarda ang posisyon ni  Zubiri at sinang-ayunan ang integridad ni Loyzaga.

Inilahad pa niya na nagdalawang-isip pa si Loyzaga na tanggapin ang posisyon sa DENR dahil kakailanganin niyang mag-divest mula sa negosyo ng kanyang pamilya. RNT/SA

(Lusot sa  Commission on Appointment  ang ad interim appointment nina Conrado Masongsong Estrella III bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform (DA) at Ma. Antonia Yulo Loyzaga bilang kalihim ng Department of  Environment and Natural Resources (DENR) habang inendorso rin ang kumpirmasyon ng appointment ni Ma. Esperanza Christina Codilla Frasco bilang kalihim ng Department of Tourism (DOT).)