Aprubadong self-test antigen kits sumunod sa US FDA, WHO guidelines —RITM

Aprubadong self-test antigen kits sumunod sa US FDA, WHO guidelines —RITM

January 26, 2022 @ 4:20 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Nilinaw ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na ang dalawang aprubadong antigen COVID-19 self-test kits ng Food and Drug Administration (FDA) ay sumunod sa technical guidelines ng US FDA at World Health Organization (WHO).

“Upang matulungan ang FDA sa pagbigay ng awtorisasyon sa self-test kits, bumuo kami ng guidelines para sa technical review ng mga ito. Ginamit nating reference ang technical guidelines ng US FDA, iba pang regulatory authorities at WHO standards,” ani RITM laboratory chief Dr. Amado Tandoc III sa Laging Handa public briefing.

Hinihingian aniya ng RITM ang manufacturer na magsumite ng technical documents tungkol sa performance at validation ng kanilang test kits.

“Mas madali ang paggamit sa kaniya. Una, hindi ito nangangailangan ng isang healthcare worker na magsasagawa ng nasopharyngeal o oropharyngeal swab collection, sapagkat ang samples na ite-test ay mga nasal na samples,” dagdag pa ni Tandoc.

“Kapag nasal, galing lamang sa harapan o kaya hanggang gitnang bahagi ng ilong na maaaring kunin sa sarili. Kung sa may kapansanan o sa mga bata, maaaring kunin ng isang nakatatanda.”

Samantala, hinikayat nito ang publiko na maingat na basahin ang panuto sa paggamit ng self-test kits upang makamit ang payak na resulta. RNT/FGDC