Arawang kaso ng COVID posibleng pumalo sa 4,114 sa Enero 15

Arawang kaso ng COVID posibleng pumalo sa 4,114 sa Enero 15

December 23, 2022 @ 5:37 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inaasahang papalo sa 4,114 ang arawang kaso ng COVID-19 pagsapit ng Enero 15.

Ito ay dahil sa mas mataas na mobility at maraming aktibidad na isinasagawa ngayong holiday season.

Ayon sa Department of Health, nasa plateau ng 973 na average daily cases sa linggong ito o mula Disyembre 16 hanggang 22 ang naitala, o mas mababa ng 5% kumpara noong nakaraang linggo.

“With the expected increase in mobility during the holiday season, projections made by the FASSSTER team estimate daily cases in the country to reach 4,114 by January 15,” pahayag ng DOH nitong Biyernes, Disyembre 23.

“In this scenario, severe and critical admissions are expected to reach 2,252 admissions by mid-January as well,” pagpapatuloy nito.

Nasa 10.57% ang severe at critical admissions sa kabuuang COVID-19 related admissions hanggang nitong Disyembre 21, samantala ang bed utilization rate naman ay nasa 21.73% ayon sa DOH.

Sa kabila nito, nilinaw ng DOH na ang mga pamantayan tulad ng transmission rate, contact rate, at longer durations ng infectiousness ay hindi lamang ang tanging basehan ng hawaan ng sakit.

Mayroon pa umanong ibang pamantayan upang maikunsidera kung tataas ba ang kaso ng COVID-19 o hindi.

Dahil dito ay hinimok ng DOH ang mga lokal na pamahalaan na ipagpatuloy ang pagbabakuna kontra COVID-19 upang maprotektahan ang mga mamamayan laban sa sakit. RNT/JGC