Cebu City – Pitong taon na umanong arsobispo ng Cebu si Archbishop Jose Palma, ngunit sa buong panahong ito ay wala pa siyang natatanggap na anumang pagbabanta sa kanyang buhay.
Ito ang pahayag ni Palma, kasunod nang pagkakapatay ng mga pulis kay Jeffrey Cañedo, na naghahanap sa kanya sa kanyang tirahan sa Archbishop’s Palace sa Cebu City dakong 11:00 ng umaga kamakalawa.
Nagkataon namang wala si Palma sa lugar nang maganap ang insidente dahil matapos dumalo sa regular na plenary assembly ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Maynila noong weekend ay nagtungo ito at kasalukuyan pang nasa Mindanao upang dumalo sa isang episcopal ordination doon.
Ayon naman kay Monsignor Joseph Tan, ang media liaison officer ng Archdiocese ng Cebu, nagpahayag na si Palma ng intensiyong magkaloob ng tulong ang pamilya ng 41-anyos na si Cañedo, isang dating overseas Filipino worker (OFW), bagamat hindi tinukoy kung anong klaseng ayuda ito.
Plano rin aniya ni Palma na dumalaw sa burol ni Cañedo sa sandaling makabalik na ito sa Cebu City.
Sa panig naman ni Cebu Auxiliary Bishop Dennis Villarojo, hiniling nito sa mga mananampalataya na ipanalangin ang kaluluwa ni Cañedo.
Matatandaang si Cañedo ay nagtungo sa Archbishop’s Palace sa D. Jakosalem Street, Cebu City at ayon sa ilang staff ng arsobispo, tila wala ito sa sarili at kahit sinabi na nilang wala si Palma ay ayaw nitong umalis at kung anu-ano ang mga sinasabi.
Dito na napilitan ang mga staff na tumawag ng pulis upang mapayapang mapaalis si Cañedo sa lugar.
Gayunman, nauwi sa barilan ang insidente na ikinasawi ni Cañedo, na sinasabing nais lamang umanong makausap si Palma upang humingi ng payo dahil sa kanyang problema sa buhay may-asawa, ngunit nakuhanan umano ng baril at patalim.
May mga nagpanukala naman na bigyan ng bodyguard ang arsobispo matapos ang pangyayari, ngunit si Palma ang magdedesisyon kung tatanggapin niya ito. (Macs Borja)