‘Areas of concern’ sa Eleksyon 2022, ilalabas ng Comelec sa Huwebes

‘Areas of concern’ sa Eleksyon 2022, ilalabas ng Comelec sa Huwebes

March 28, 2022 @ 3:00 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang ilabas ng Commision on Elections (Comelec) sa Huwebes ang listahan ng mga areas of concern kaugnay ng halalan sa Mayo 9, 2022 election.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni  Commissioner George Garcia na nagsumite na ang Philippine National Police (PNP) at  Armed Forces of the Philippines ng listahan ng color-coded areas.

Ayon kay Garcia, hanggang Huwebes maaaring ianunsyo ng Comelec sa pamamagitan ng en banc ang mga lugar na itinuturing na areas of concern.

Inuri ng PNP ang mga lugar sa bansa sa apat na color-coded categories: green, yellow, orange, at red.

Ang mga lugar na nauuri bilang berde ay itinuturing na generally peaceful para sa pagsasagawa ng halalan, ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.

Ang mga yellow areas ay nag-ulat ng mga pinaghihinalaang insidente na may kaugnayan sa halalan sa nakaraang dalawang botohan, posibleng pagkakaroon ng mga armadong grupo, at matinding tunggalian sa pulitika.

Ang orange areas naman ay kung may naitalang presensya ng mga armadong grupo tulad ng New People’s Army at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na maaaring makagambala sa mga botohan.

Ang mga ito ay itinuturing na  “areas of immediate concern”.

Samantala, sinabi ni Garcia na tatalakayin ng Comelec en banc ang mga posibleng pagsasaayos sa guidelines para sa election gun ban exemptions at aplikasyon para sa security personnel.

“Ipapangako po natin sa Miyerkules kaunahan po ‘yan sa tatalakayin ng en banc, ‘yung tinatawag nating recalibration of the guidelines para sa gun ban exemption at security personnel,” sabi ni Garcia

Napuna naman aniya ni Comelec chairperson Saidamen Balt Pangarungan ang pag-apruba o rejection ng mga aplikasyon ay napakabagal.

Ipinunto niya na dapat maging madali ang proseso dahil may mga kapani-paniwalang banta laban sa mga negosyante, hukom, abogado, tauhan ng Comelec, at iba pang lingkod-bayan. Jocelyn Tabangcura-Domenden