Army officer, lider ng BIFF, patay sa engkuwentro

Army officer, lider ng BIFF, patay sa engkuwentro

July 6, 2018 @ 11:57 AM 5 years ago


 

Maguindanao – Patay sa bakbakan ang isang army officer at ang umano’y lider ng ISIS-inspired terror group na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa patuloy na sagupaan sa Maguindanao na unang sumiklab noong araw ng linggo.

Si 2nd Lt. Junibert Zonio ng 40th Infantry Battalion-Philippine Army ay napuruhan sa tama ng bala ng kalaban makaraang sagupain kasama ang tropa nito ang nasa labing limang armadong BIFF members sa bulubunduking bahagi ng Barangay Pidsandawan, Mamasapano, araw ng miyerkules.

Nabatid kay Capt. Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Army Division, nasa isang taon ng serbisyo si Zonio bilang team leader.

Sa panig naman ng teroristang grupo nasa labing tatlong miyembro nito ang napatay kabilang na umano ang lider nila na si Mah Nanding alyas Kumander Marrox na sinasabing kasama sa mga naka engkuwentro at nakapatay sa 44 tauhan ng Special Action Force (SAF) sa Mamasapano noong Enero 2015.

Sa tala, dalawang sundalo na ang nasasawi, habang nasa labing limang sundalo ang nasugatan.

Dalawampu’t isang miyembro naman ng BIFF ang napapatay sa patuloy na labanan sa probinsya.

Sinabi ni Encinas na naipabatid na sa asawa ni Zonio ang nangyari.

Pinangunahan ni Zonio ang kanyang tropa para harangin ang natitirang bilang na BIFF fighters na tumatakas mula sa pinaigting na opensiba ng mga sundalo sa Datu Shariff Saydona, Maguindanao.

Sinabi ni Encinas na pinagbasehan nila ang bilang ng mga nasawi sa pamamagitan ng palitan ng konbersasyon ng two-way radio na kanilang na intercept mula sa kalabang grupo, sibilyan at local officials roon.

Narekober naman sa encounter site ang nasa 14 na matataas na uri ng baril gaya ng apat na M-16; tatlong M-14, dalawang carbine, isang garand rifle; isang ultimax; at tatlong 12 gauge shotgun at isang bangkay ng biff member sa Barangay Pidsandawan. (Jeff Gallos)