Arsobispo sa Lumad at katutubo, umaasang di mababalewala sa BBL

Arsobispo sa Lumad at katutubo, umaasang di mababalewala sa BBL

July 10, 2018 @ 1:09 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Umaasa ang isang Arsobispo na hindi mababalewala sa Bangsamoro Basic Law o BBL ang mga Lumad at Katutubo.

Ayon kay Cagayan De Oro Archbishop Antonio Ledesma,SJ, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Mutual Relations na maisasama sa darating na State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-usad ng usapang kapayapaan lalo na sa bahagi ng Mindanao.

Mahalagang bahagi anang Obispo sa Bangsamoro Basic Law o B-B-L ang peace process sa Mindanao at ang pagpapatuloy ng peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front of the Philippines upang matamasa ang matagal nang inaasam na kapayapaan ng mga komunidad sa rehiyon.

Umaasa rin ang Arsobispo na maisasama sa BBL ang pangangalaga sa mga lumad at mga katutubo ng Mindanao at iba pang grupo na hindi bahagi ng muslim community dahil ang mga ito ay bahagi din  ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Hinimok naman ng Arsobispo na maging kalmado  at pairalin ang respeto sa kapwa at sa karapatan ng bawat tao sa kabila ng ating mga pagkakaiba.

Kasabay nito, pinayuhan ni Archbishop Ledesma ang ang mamamayan sa gitna ng karahasang lumalaganap sa lipunan upang mapanagot ang mga may sala at mabigyang katarungan ang mga pamilya ng naging biktima.

Sa kasalukuyan, patuloy na inaayos ng Bicameral Conference Committee ang magkakaibang probisyon ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso upang ganap na maratipikahan ang landmark legislature sa pagbubukas ng 2rd regular session ng Kongreso sa ika-23 ng Hulyo, 2018.

Naninindigan sina Senate Majority leader Juan Miguel Zubiri at House Majority leader Rodolfo Farinas na ang isasabatas na BBL ay hindi lalabag sa panuntunan ng 1987 constitution. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)