ARTA LABAN-BAWI SA KASO

ARTA LABAN-BAWI SA KASO

June 23, 2022 @ 8:30 PM 1 week ago


Binaliktad ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang posisyon ng nasuspindeng director general nito na si Je­remiah B. Belgica at iba pang opisyal sa pamamagitan ng pagsasasantabi sa nauna nang ibinigay nito na Declaration of Completeness and Order of Automatic Appro­val.

Sa magkahiwalay na re­solusyon ng AR­TA na may petsang Hunyo 17, 2022, binawi ng AR­TA ang dati nang pagpabor nito sa magkahiwalay na reklamo na inihain noon ng News and Entertainment Network Corporation (Newsnet) and Now Telecom Company, Inc. (NOW Telecom).

Pirmado ang mga ito mismo nina Officer-In-Charge Anti-Red Tape Authority Atty. Ernesto V. Perez, OIC Director for Investigation, Enforcement and Litigation Office Atty. Leonardo O. Tapia, at Atty. III Litigation Division Atty. John Ramil V. Rabe.

Sinundan lang ng mga bagong desisyon ng ARTA ang paghatol dito ng Department of Justice noon 2021 na final and exe­cutory.

Sinasabi ng DOJ na hindi napangingi­baba­wan ng 3-7-20 Day Time­line at Deemed Automatic Approval clause sa ila­lim ng Ease of Doing Business Law ang tung­kulin at kapangyarihan ng National Telecommunications Commission sa pagbibigay at paggamit ng frequency.

Noong 2019, naghain ng pormal na reklamo sa ARTA ang Newsnet at humihingi ito ng automatic approval sa provisional authority nito at sa paggamit ng frequencies sa buong bansa at pinayagan naman ito ng ARTA.

Dahil dito, naghain ang NTC ng petition for adjudication sa DOJ noong 2020 at ki­nukuwestiyon ang jurisdiction ng ARTA sa quasi-judicial powers ng komisyon.

Taong 2020 rin nang magpasa ang NOW Telecom ng kapareho sa Newsnet na reklamo sa ARTA na humihingi rin ng automatic approval at iba’t ibang frequencies na pinayagan din ng ARTA.

Sa hininging opinyon ng NTC, nagdesisyon ang DOJ na ibasura ang Order of Automatic Approval na inisyu ng ARTA pabor sa Newsnet.

Hindi umano aplikable ang EODB Law pagdating sa tungkulin at kapangyarihan ng NTC sa pagbibigay at paggamit ng frequencies.

Inapela ng ARTA sa Office of the President ang desisyon ng DOJ na nabasura rin at naging pinal ito noong Abril 25, 2022.

Matatandaan na sinuspinde ng Ombudsman ang mga pangunahing opisyal ng ARTA na pinangungunahan ni Director General Belgica dahil sa Now Telecom case na isin­am­pa ng DITO Telecommunity Corporation dahil naapektuhan ito sa na­ging desisyon ng ARTA pabor sa Now Telecom.