ARTA LABAN-BAWI SA MGA KASO

ARTA LABAN-BAWI SA MGA KASO

June 22, 2022 @ 6:48 PM 1 week ago


Binaliktad ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang posisyon ng nasuspendeng director general nito na si Jeremiah B. Belgica at iba pang opisyal sa pamamagitan ng pagsasaisantabi sa nauna nang ibinigay nito na Declaration of Completeness and Order of Automatic Approval.
Sa dalawang magkahiwalay na resolusyon ng ARTA na may petsang Hunyo 17, 2022, binawi na ng ARTA ang dati nang naging pagpabor nito sa magkahiwalay na reklamo na inihain noon ng News and Entertainment Network Corporation (Newsnet) and Now Telecom Company, Inc. (NOW Telecom).
Ang mga resolusyon ay pirmado mismo nina Officer-In-Charge Anti-Red Tape Authority Atty. Ernesto V. Perez, OIC Director for Investigation, Enforcement and Litigation Office Atty. Leonardo O. Tapia, at Atty. III Litigation Division Atty. John Ramil V. Rabe.
Sinundan lamang ng mga bagong desisyon ng ARTA ang naging paghatol dito ng Department of Justice (DOJ) noon pang nakaraang taon at final and executory na ang desisyon ng departamento.
Nilalaman ng nasabing resolusyon ng DOJ hindi napapangibabawan ng 3-7-20 Day Timeline at Deemed Automatic Approval clause sa ilalim ng Ease of Doing Business (EODB) Law ang tungkulin at kapangyarihan ng National Telecommunications Commission (NTC) sa pagbibigay at paggamit ng frequency.
Noong 2019, naghain ng isang pormal na reklamo sa ARTA ang Newsnet kung saan humihingi ito ng automatic approval sa provisional authority nito at sa paggamit ng frequencies sa buong bansa at pinayagan naman ito ng ARTA.
Dahil dito, naghain ang NTC ng petition for adjudication sa DOJ noong 2020 kung saan kinukuwestiyon nito ang jurisdiction ng ARTA sa quasi-judicial powers ng komisyon.
Noong taong ding iyon, nagpasa rin ang NOW Telecom ng kapareho sa Newsnet na reklamo sa ARTA na humihingi rin ng automatic approval at iba’t ibang frequencies na pinayagan din ng ARTA.
Sa hininging opinyon ng NTC, nagdesisyon ang DOJ na ibasura ang Order of Automatic Approval na inisyu ng ARTA pabor sa Newsnet. Ayon sa kagawaran, hindi aplikable ang EODB Law pagdating sa tungkulin at kapangyarihan ng NTC sa pagbibigay at paggamit ng frequencies.
Inapela ng ARTA sa Office of the President ang desisyon ng DOJ na nabasura rin at naging pinal ito noong Abril 25 ng kasalukuyang taon.
Matatandaan na sinuspende ng Ombudsman sa loob ng anim na buwan ang mga pangunahing opisyal ng ARTA na pinangungunahan ni Director General Belgica dahil sa Now Telecom case na isinampa ng DITO Telecommunity Corporation dahil naapektuhan ito sa naging desisyon ng ARTA pabor sa Now Telecom.