Artes nagbabala sa mga tauhan vs paggamit ng ‘di rehistrado, walang plakang sasakyan

Artes nagbabala sa mga tauhan vs paggamit ng ‘di rehistrado, walang plakang sasakyan

June 1, 2022 @ 4:12 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nagbabala ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang mga tauhan hinggil sa paggamit nila ng mga hindi rehistrado at walang plakang sasakyan.

Ang naturang babala ay batay sa inilabas na memorandum ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes tungkol sa paggamit ng mga hindi rehistrado at walang plakang sasakyan na kanilang personal na ginagamit.

Ang memorandum, na naka-address sa lahat ng traffic personnel, ay bilang tugon sa Facebook post ng Riders’ Safety Advocates of the Philippines (RSAP) na naging viral sa social media, kung saan ipinakita ang isang MMDA traffic enforcer, na kalaunan ay kinilalang si Wilfredo Ordoña, na nagmamaneho ng isang motorsiklo na walang plaka at lumabas na hindi nakarehistro sa northbound lane ng EDSA-Boni nitong Lunes, Mayo 30.

Ayon sa memo, pinaalalahanan ang mga tauhan ng MMDA sa kanilang mga tungkulin sa publiko, lalo na ang mga traffic enforcer na naatasang hulihin ang mga motoristang gumagawa ng mga paglabag sa trapiko.

Inatasan naman ni Artes si Atty. Victor Maria Nuñez, Director for Enforcement of MMDA Traffic Discipline Office (TDO), na parusahan si Ordoña, na kasalukuyang nakatalaga sa TDO Parking Management Team, sa pamamagitan ng pagbibigay ng traffic citation ticket dahil sa kanyang mga paglabag.

“The MMDA is mandated to strictly implement traffic rules and regulations. Hence, we should lead by example,” ani Artes.

Gayundin, pinaalalahanan ni Artes ang lahat ng empleyado na iwasang gumawa ng anumang labag sa batas na mga aktibidad.

“Violators will not only be issued the corresponding citation ticket but could also face administrative sanctions such as suspension and outright dismissal for contract of service personnel,” giit ni Artes.

“If proven guilty, we will file the necessary administrative charges, whether permanent, casual, or on job order status, subject to applicable rules and regulations,” dagdag pa ng MMDA Chief.  JAY Reyes