Artes pumalag sa hirit na pagbuwag sa MMDA

Artes pumalag sa hirit na pagbuwag sa MMDA

February 28, 2023 @ 4:50 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Tanging ang pagpapasa ng batas ang makabubuwag sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ayon sa acting chairman nito na si Romando Artes nitong Martes.

Ito ang naging reaksyon niya sa panawagan ng mambabatas na buwagin ang MMDA, na umano’y alinsunod sa rightsizing plan ng Marcos administration.

“Batas ang nag-create at nagbigay ng buhay sa MMDA. Batas din ang puwedeng pumatay o magtanggal ng buhay diyan. Kung sa tingin ng Kongreso at sasang-ayunan ng pangulo na na-outlive na ng MMDA ang kaniyang purpose… we leave it up to them ano ang magiging decision. Mag-a-abide kami,” pahayag ni Artes.

Binanggit niya ang Republic Act No. 7924, batas na lumikha sa MMDA.

“Kung ia-abolish ang MMDA, kailangan i-amend ang batas na ito na nag-create sa MMDA,” sabi ni Artes.

Sa kanyang privilege speech nitong Lunes, sinabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua na makababawas sa redundant operations ang abolisyon  ng MMDA. 

Paliwanag ni Chua, sagabal ang MMDA sa hurisdikyon ng local government units sa pagsasagawa ng home demolitions, clearing operation ng mga kalsada, at pagpapatupad ng mga panukala nang hindi nakikipag-ugnayan sa LGUs.

Idinagdag ng mambabatas na maaaring ipasa ang mga tungkulin ng MMDA sa bagong National Capital Region (NCR) Coordinating Council.

Subalit ani Artes, “Wala naman sigurong redundant sa functions dahil ang aming ginagawa ay coordination sa ibang ahensya, tulad ng flood control sa DPWH (Department of Public Works and Highways), traffic sa LGUs, basura sa LGUs. I don’t think may duplication sa functions ng MMDA.” 

Alinsunod sa Presidential Decree 824 na ipinalabas ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., nagsimula ang MMDA bilang Metro Manila Commission (MMC) noong November 7, 1975. 

Pagsapit ng January 9, 1990, sa administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino, ang MMC naging Metro Manila Authority (MMA) sa bisa ng Executive Order No. 392.

Opisyal na pinangalanan ang ahensya bilang MMDA noong March 1, 1995 sa bisa ng Republic Act 7924. Itinalaga ni dating Pangulong Fidel Ramos si dating Malabon Mayor Prospera Oreta bilang unang MMDA chairperson. RNT/SA