ARTIFICIAL SHORTAGE NG ASUKAL AT IBA PA BINIRA

ARTIFICIAL SHORTAGE NG ASUKAL AT IBA PA BINIRA

August 24, 2022 @ 4:14 PM 1 month ago


LUMUTANG na gawa-gawa lang ang kakulangan ng suplay ng asukal sa mga merkado makaraang matunton ng mga kawani ng Bureau of Customs at iba pang law enforcement agencies ang mga bodegang pinagtataguan nito alinsunod sa kautusan ni Executive Secretary Atty.Victor Rodriguez.

Ang malawakang paggagalugad na isinasagawa ng mga otoridad ay batay naman sa mahigpit na kautusan ni Pangulong Ferdinand”Bongbong”Marcos, Jr.  bilang pansamantalang Kalihim ng DA na pinaniniwalaang pinamumugaran umano ng mga tiwaling opisyal na kakutsaba ng mga buwayang negosyante sa bansa.

Maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi totoong may malaking kakulangan ng asukal ngayon sa halip ay artificial shortage lang matapos ang kaliwa’t kanang pag-inspeksyon ng BOC sa ilang mga bodega sa Bulacan,Pampanga,Davao at iba pang lugar sa Kamaynilaan kung saan tumambad sa mata ng sambayanan ang libo-libong sako nito.

Seryoso si Pangulong Bongbong na matuldukan na ang matagal nang umano’y sindikatong ito kaya naman kasabay din na isinagawa niya ang balasahan ng mga opisyal sa Sugar Regulatory Authority na ayon sa ilang mambabatas ay marapat na tsugiin na lang dahil wala namang ginagawa upang mabigyan ng proteksyon ang taumbayan laban sa mga buwayang negosyante.

Kung pagbabatayan ang lumutang na alingasngas hinggil sa hoarding ng asukal,lumalabas na malalim na ang ugat at sanga ng sindikatong ginagawang sangkalan ang mga ikinasang importasyon noon ng gulay,baboy,isda,bigas at iba pang Agri-products na pinagkakakitaan ng husto ng mga anay sa gobyerno.

Hindi ba’t pinangalanan ni dating Senate President Vicente Sotto III ang ilang opisyal ng BOC at kilalang politiko sa bansa na sangkot umano sa malawakang pag-aangkat ng galunggong mula sa China na kuha naman sa West Phillipine Sea?

Marami ang nagsasabing nahawakan pa lang umano ni Pangulong Bongbong ang buntot ng dambuhalang sawang itinuturing na malawakang korapsyon sa DA na mahabang panahon na ring namamayagpag.

Subalit batid ng sambayanang tapos na ang maliligayang araw ng mga buwayang ito bunsod sa hindi sila palalampasin ng pangil ng kasalukuyang administrasyon na tuldukan at ipakulong ang mga sangkot na patuloy na nagpapahirap sa mamamayan.

Anomang puna o reaksyon itex sa 09999388537/email [email protected]