‘ASAN ANG MGA PULIS?

‘ASAN ANG MGA PULIS?

September 14, 2022 @ 3:55 PM 2 weeks ago


NABABATIKOS ngayon ang Philippine National Police (PNP) sa ilalim ni PGen. Rodolfo Azurin, Jr. dahil sa paglobo na naman ng krimen sa bansa, partikular ang kidnapping.

May mga ulat na kinikidnap na mga Chinese kaya naaalarma ang Chinese-Filipino community sa mga pangyayari.

Isa sa kontrobersyal ngayong kaso ay ang pagdukot at brutal na pagpatay kay Iraseth Pharma Inc. chief executive officer Eduardo Tolosa Jr. ng Marikina.

Huling nakitang buhay si Tolosa, sakay sa kanyang Toyota Land Cruiser noong Hulyo 18 nang kuhanin niya ang P5.7 milyon na cash at dalawang mamahaling relo sa kanyang personal assistant sa BGC, Taguig.

Ayon sa pulisya, humihingi raw ang kidnappers ng P100 milyon bilang ransom sa pamilya ni Tolosa. Posibleng hindi nagkabayaran ng ransom kaya pinatay siya. Natagpuan ang kanyang sasakyan na sinunog sa Pampanga.

May limang suspek na nahuli at umamin daw sila sa pulisya na matapos nilang patayin si Tolosa ay sinunog ang bangkay ng biktima sa isang farm sa Sto. Tomas, Batangas. Itinuro ng mga nahuli ang isang casino card dealer bilang utak sa krimen.

Hindi lang yan, may sunod-sunod na babaeng kinidnap, ginahasa at pinatay kamakailan.

 Ang kalunos-lunos ay ang nangyari kay Jovelyn Galleno sa Puerto Princesa, Palawan. Bagama’t may dalawang nahuling person of interest sa krimen at natagpuan na raw ang kalansay ni Jovelyn, marami pa ring katanungang bumabalot sa kaso.

Kahindik-hindik din ang nangyari sa isang ginang na habang naglalakad pauwi mula sa trabaho, dinukot siya ng isang lalaki at saka kinaladkad sa madilim at madamong lugar sa Taguig.

Nangyari ito habang kausap pa niya sa cellphone ang kanyang asawa na nagtatrabaho sa malayo. Patay na nang matagpuan ang ginang na hinihinalang ginasa.

Bukod dito, patuloy pa ring nangyayari ang mga pagpatay sa mga lansangan na ang may kagagawan ay riding-in-tandem.

Mistulang mga walang kaluluwa ang riding-in-tandem criminals na akala mo’y dalawa-singko lang ang buhay kung sila ay pumaslang.

Patuloy rin ang paglaganap ng droga at dahil diyan ay nagpapatayan ang mga sangkot.

Nagtataka tayo kung bakit patuloy na nangyayari ito gayong ibinigay na lahat ng ating gobyerno ang lahat ng pabor para sa pulisya?

Noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, itinaas niya ang suweldo at binigyan ng kung ano-anong benepisyo ang mga pulis para sila’y sipagin at hindi na “magtarantado” sa trabaho. E kaso, may mga nasasangkot pa rin sa mga kalokohan.

At nasaan na ba ang mga pulis para magbantay sa katahimikan ng ating mga paligid? May nakikita naman tayong nagsasagawa ng checkpoint at may mga nagpapatrolya pero bakit may nakalulusot na mga kriminal? Nasaan ang pagkukulang.

Iyan tuloy, sinabi ni dating PNP chief at ngayo’y Senator Bato dela Rosa na “walang kaasim-asim” ang kampanya ng kasalukuyang PNP chief kontra krimen.

PNP chief Azurin, ‘wag po sana kayong mapipikon kay Sen. Bato. Mukha nga yatang kinakailangan n’yo po na palakasin pa ang inyong mga programa at kampanya laban sa iba’t ibang uri ng kriminalidad at hindi lamang pulos sa illegal gambling.

Lagi n’yo ring sabihan ang inyong mga pulis na… ‘WAG TUTULOG-TULOG SA PANSITAN.