Asawa ni Matt Evans, hinatulang guilty sa estafa

Asawa ni Matt Evans, hinatulang guilty sa estafa

April 29, 2022 @ 12:26 PM 2 months ago


No description available.

MANILA, Philippines – Hinatulang mabilanggo ng mula anim na buwan hanggang dalawang taon ang asawa ng aktor na si Matt Evans matapos na mapatunayang guilty beyond reasonable doubt sa kasong estafa na isinampa ng pribadong indibidwal na nagoyong mag-invest ng halagang P2M sa pelikulang “Goyo: Ang Batang Heneral.

Ang suspek, ayon sa ulat, napag-alamang pinsan ni Ilocos Norte 1st District Representative Ria Fariñas.

Sa 12 pahinang desisyon ni Judge Clemente M Clemente ng Branch 127 ng Metropolitan Trial Court ng Makati City, ay inutusan din ng korte ang akusado na si Riza Katrina Evans Y Faviz na magbayad ng halagang P2,000,000 pati na ang legal interest na 6% kada taon simula nang isinagawa ang judical demand noong noong Nov. 29, 2019 sa complainant na si Arran Lester P Galvan.

Lumilitaw sa rekord ng korte na Oktubre 2017 nang matangay ng akusadong si Evans ang halagang P2M mula kay Galvan. Ang halagang nabanggit ay bilang investment umano sa produksyon ng pelikulang “Goyo: Ang Batang Heneral”.

Bukod sa pagpapakilalang konektado sa TBA studios na siyang film company na nagpo-produce ng nasabing pelikula ay nagpakilala din si Evans na pinsan ni Cong. Fariñas at pamangkin ni dating Cong. Rudy Fariñas.

Noong July 14, 2020 pinasinungalingan naman ng isa sa mga testigo ang sinasabi ni Evans na siya ay kunektado sa TBA Studios.

Sa pamamagitan ng isang certification ay sinabi ni Atty. Roderick Vera, corporate secretary na TBA Studios na nag-email siya kay Galvan. Sinabi nito sa korte na…”During our email correspondence, the private complainant asked us if Ms. Evans was an employee or agent of Artikulo Uno or TBA Studios and I said she was neither an agent or an employee of Artikulo Uno or TBA Studios.”

Noon ding Aug. 24, 2020 ay iprinisinta ng prosekusyon ang isa pang witness na si Cindy C. Narcida at sinabi nito na si Evans ay nag-proposed na mag-invest sa pelikulang “Goyong: Ang Batang Heneral”. Tinanong din ng prosekusyon si Narcida kung paano siya at si Galvan inalok ni Evans ng proposal na mag-invest sa nasabing pelikula at sinagot niya ito ng…”She stated that she was connected to TBA studios, the producer of the film and that there is wide interest in the film that is why it os profitable.”

Lumilitaw na noong June 2017 nang makumbinsi ni Evans si Galvan na mag-invest ng P2M para sa nabanggit na pelikulang “Goyong: Ang Batang Heneral”. Ibinigay ni Galvan ang nasabing halaga nang cash kay Evans. Noong June 1, 2020 ay iprinisinta ng prosekusyon si Galvan at dala nito ang isang tseke mula sa China Bank na nagkakahalaga ng P5.2M na may petsang Aug.22, 2018 at pirmado ni Evans

Sinabi ni Galvan sa prosekusyon na ibinigay sa kanya ni Evans ang tseke ng personal na may ganung halaga…”Because I have given the accused the money. Ibinigay ko yung pera in cash in exchange of the check and the interest were the so called kita po noong produksyon.” Nabatid din na ang nasabing tseke ay tumalbog kaya naman nagsampa na ng pormal na reklamo si Galvan laban kay Evans.

Disyembre 2019 nang arestuhin si Evans ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Makati City Police sa bisa ng Warrant of Arrest na ipinalabas ni Judge Clemente M.Clemente ng Makati Metropolitan Trial Court branch 66-A dahil sa kasong Estafa.

Agad din namang nakalaya si Evans matapos na magpiyansa ng halagang P30,000 na itinakda ng korte habang dinidinig ang kaso.

Maliban pa sa hatol na pagkabilanggo ng mula anim na buwan hanggang dalawang taon at pagbabayad kay Galvan ng P2M kabilang na ang 6% interest per anum dahil guilty sa kasong estafa ang akusadong si Evans ay napatunayan ding guilty beyond reasonable doubt sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 22 o bouncing check law at inutusang magbayad ng multang nagkakahalaga ng P200,000 na may posibilidad na pagkakakulong sakaling hindi makabayad. RNT