ASF contamination sa Cotabato isinisisi sa online selling

ASF contamination sa Cotabato isinisisi sa online selling

July 14, 2020 @ 9:40 AM 2 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Isinisisi ng Cotabato provincial veterinarian sa online selling, partikular sa processed meat chorizo, ang unang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa mga baboy sa bayan ng Magpet sa Cotabato.

Ayon kay Dr. Rufino Suropia, Cotabato provincial veterinarian, maaaring nadala ang kontaminasyon sa bayan sa pamamagitan ng mga order ng processed meat na ipinadadala sa pamamagitan ng mga courier sa kasagsagan ng lockdown.

Aniya, naging pangunahing recourse ng mga residente sa Magpet ang online selling nang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang bansa nitong Abril at Mayo.

Ipinadadala ng mga online seller mula sa Davao region ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng mga courier na dumadaan sa COVID-19 quarantine personnel na hindi nasusuri, saad ni Suropia.

Nagpositibo sa ASF infection ang mga blood sample na nakuha sa mga baboy sa apat na malalayong barangay ng Magpet, ayon kay Arlan M. Mangelen, regional director ng Department of Agriculture (DA) sa Soccsksargen, nitong Lunes, Hulyo 13.

“We are investigating these cases, we learned that processed food (chorizo) made its way to one of the villages,” ayon kay Mangelen.

Ilang baboy ang misteryosong nangamatay sa nakalipas na dalawang araw, dahilan upang ipakonsulta ng mga may-ari ito sa municipal agriculture office.

Naiulat din ng mga domestic hog raisers sa mga barangay ng Tagbac at Pangao-an ang pagkamatay ng kanilang mga hayop.

Upang maiwasang kumalat ang sakit sa mga karating-barangay, sinimulan ang culling o pagkatay sa mga baboy sa loob ng one-kilometer radius mula sa site ng impeksyon nitong Biyernes, Hulyo 10, at magpapatuloy sa linggong ito.

Babayaran naman ng pamahalaan ang mga kinatay na baboy, batay sa umiiral na market price ng karne. RNT/MM


  •  
  •  
  •  

Loading...