ASF vaccine na gawa sa Pinas ilalabas sa 2023 o 2024 – DOST

ASF vaccine na gawa sa Pinas ilalabas sa 2023 o 2024 – DOST

June 8, 2022 @ 4:02 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Posibleng mailabas na sa katapusan ng 2023 o sa 2024 ang bakuna laban sa African swine fever (ASF) na dinevelop ng isang local research company katuwang ang Department of Science and Technology (DOST).

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DOST Undersecretary Rowena Guevara na ang bakuna para sa ASF ay kadalasang umaabot ng dalawang taon bago ma-develop.

Dahil dito, uunahing gawin ng veterinary research and diagnostic laboratory na BioAssets Corporation ang ASF test kits na maaaring mailabas na sa katapusan ng 2022 o sa umpisa ng 2023.

“Meron rule ang Department of Agriculture na kapag may isang na-detect lang na baboy na may ASF, isang kilometro, lahat ng baboy do’n papatayin. Kapag 7 kilometers, may rules din sila. Kung magkakaron tayo ng detection kit, hindi na kailangan lahat patayin. Pwede mo nang i-detect kung sinong baboy lang ang may sakit at kailangan natin i-dispatsa,” saad ni Guevara.

Aniya pa, magtatayo ang BioAssets Corp. ng isang mobile laboratory na nakatakda namang ideploy sa Mindanao na direktang magtutungo sa mga lugar na may suspected ASF cases upang madaling maisalang sa test ang mga alagang baboy.

“Ang mobile laboratory unit na ito ay makakatulong sa mga veterinarians, sa mga farmers para magkaroon ng diagnostics doon sa point para makaresponde agad sa disease outbreak,” dagdag niya.

Noong nakaraang buwan, limang barangay sa Zamboanga City ang isinailalim sa “red zone” matapos na makapagtala ng kumpirmadong kaso ng ASF.

Taong 2021 naman nang makipag-ugnayan ang Pilipinas sa Amerika para sa paglulunsad ng vaccine trials kongtra ASF. RNT/ JCM