AstraZeneca COVID-19 vaccine sa Netherlands, hininto na rin

AstraZeneca COVID-19 vaccine sa Netherlands, hininto na rin

March 15, 2021 @ 12:41 PM 1 year ago


AMSTERDAM – Inihinto na rin sa Netherlands ang paggamit ng bakuna ng AstraZeneca sa COVID-19 hanggang Marso 29 bilang pag-iingat, ayon sa Dutch government.

Ang desisyon, na kaparehong ipinatupad din sa Ireland, ay bunsod ng mga ulat na seryosong side effect na naitala umano sa Denmar at Norway, dagdag pa ng gobyerno.

Sa ulat, tatlong health workers sa Norway na nakatanggap ng nasabing bakuna ay naospital dahil sa pagdurugo, blood clots, at pagbaba ng blood platelets, base naman sa anunsyo ng health authorities nito.

Sa kabila nito, wala pa namang naiuulat na kaparehong kaso sa Netherlands, ayon sa Dutch Health ministry, kung saan iginiit din na wala pang ebidensyang nakapagkokonekta sa bakuna sa mga insidenteng nangyari sa Denmark at Norway.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng mga awtoridad ang imbestigasyon ng European Medicines Agency (EMA).

“We can’t allow any doubts about the vaccine,” ayon kay Dutch Health minister Hugo de Jonge.

“We have to make sure everything is right, so it is wise to pause for now.”

Nauna naman nang sinabi ng EMA at ng World Health Organization na walang indikasyon na ang bakuna ang sanhi ng mga pagdurugo, at iginiit din ng kompanyang AstraZeneca na wala silang nakikitang panganib sa kanilang bakuna. RNT