‘Astronaut food’, food pill ipakain sa mahihirap – Marcoleta

‘Astronaut food’, food pill ipakain sa mahihirap – Marcoleta

December 7, 2022 @ 5:07 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pumasok sa isip ng isang mambabatas na posibleng pag-aralan ang pagpapakain sa mga mahihirap na Filipino ng food pills na maaaring tumagal ng ilang araw o buwan, katulad ng kinakain ng mga astronaut kapag sila ay nasa kalawakan.

Ayon kay Sagip Partylist Representative Rodante Marcoleta, ang ideyang ito ay posibleng kung makaiimbento ng ganitong uri ng pagkain ang Pinoy scientists.

Aniya, ang mga astronaut ay nabubuhay sa kalawakan nang mahabang panahon kahit hindi pwedeng magluto ng pagkain doon.

“I’m thinking aloud na kung sakali pong makaimbento tayo nung kinakain nila, ibibigay ko po sa mga mahihirap na kababayan natin. Even for months hindi sila kakain, hindi sila mamatay,” pagbabahagi ni Marcoleta kasabay ng confirmation hearing kay Department of Science and Technology Secretary Renato Umali Solidum Jr.

“Meron pa ba tayong ganun? Makakagawa pa ba tayo ng ganun?” tanong niya.

Tugon naman ni Solidum dito, ang mayroon lamang sa ngayon ay ang ready to eat meals sa mga biktima ng kalamidad na mayroong shelf life na aabot ng anim na buwan.

Idinugtong naman ni Marcoleta ang naunang ideya na maaaring makaimbento ng food pill na isang beses lamang kung kakainin pero aabot ng ilang linggo ang epekto.

“Kasi po yung astronauts, ‘pag kinain niya ‘yun, it will last for several days, if not months,” he pointed out. “Kasi yung mahirap na mahirap talaga, wala po silang makakain e,” aniya.

“Ito ho palliative lang. Meaning to say, we just have to fill up the gap. Kung sakaling matulungan natin ang poorest of the poor, naimbento po niyo yung pildoras o whatever kahit anong kulay po yun tatanggapin ko,” dagdag pa.

“Pag ininom po ng mahirap, in two weeks lang Mr. Secretary na hindi siya bumili ng pagkain, hindi siya nagluto, ang laking bagay na po ‘yun. Makagagawa kaya tayo ng ganun?”

Sinabi naman ni Solidum na titingnan nila ang ideyang ito at siniguro na isa sa prayoridad ng DOST ang food security. RNT/JGC