Atas ni PBBM sa DOE: ‘Agad na mag-deploy ng generators’

Atas ni PBBM sa DOE: ‘Agad na mag-deploy ng generators’

September 26, 2022 @ 1:51 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Energy (DOE) na kaagad na mag-deploy ng mga generators na may kasama ng langis sa mga lugar sa Nueva Ecija at Aurora na may limitadong power supply resulta ng pananalasa ng Super Typhoon Karding.

Sa situation briefing kasama ang mga top government officials sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) headquarters sa Quezon City, inilahad ni DOE Secretary Raphael Lotilla na maliban sa Nueva Ecija at Aurora, ang ibang lalawigan na nahaharap sa problema sa kuryente ay Tarlac, Zambales, Pampanga, at Quezon.

Sinabi ni Lotilla na bagama’t ang mga planta ng kuryente ay ligtas mula sa bagyo, may ilang lugar ang naapektuhan pa rin sa usapin ng suplay nito.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng Pangulo na nangangailangan pa ng ilang araw bago ang suplay ng kuryente ay tuluyang maibabalik at inatasan ang DOE na kagyat na ikasa ang “stopgap measures” gaya ng pagde-deploy ng mas maraming generators na may langis.

“I think for the power we’ll just have to wait. It’s a little — it really is a little early for us to — kasi more complicated ang assessment ng power network kaysa sa mga ibang ano,” wika ni Pangulong Marcos.

“But as a response already, since I’ve already identified that the whole of Nueva Ecija and the whole of Aurora have no power, we need to send them power,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Samantala, pinaalalahanan naman ng Punong Ehekutibo ang National Irrigation Administration (NIA) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na magbigay babala sa pagpapakawala ng tubig mula sa Ipo at Magat dams para pigilan ang malawakang pagbaha.

“Bantayan ninyo mabuti. We don’t want that incident to happen na sabay-sabay nagbitaw, hindi nag-warning sa mga affected areas na magbibitaw ng tubig kaya nagkaproblema. You be very very careful about that,” ang pahayag ni Pangulong Marcos.

Samantala, tinukoy naman ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng maagang pagtutulungan ng national at local governments, lalo na pagdating sa usapin ng “evacuation efforts” upang mapigilan na muling maulit ang mga hindi inaasahang pangyayari.

“I think the preparation that we did all day yesterday, just making sure that everything was prepositioned, we had the plan for whatever would happen. You might think we overdid it, there’s no such thing as overkill when it comes to disasters. Tama ‘to, put everything in place. Mabuti nang sobra, kaysa kulang,” aniya pa rin.

Dagdag pa, ang mga lokal na opisyal ay epektibo sa pagbibigay ng ulat sa sitwasyon at pagpapahayag ng mga susunod na hakbang na kailangan nilang gawin.

“The LGUs [local government units] did a good job explaining what the situation was, what needs to be done, anong plano. I think this is a good illustration of how that can really help. So that’s the approach we will take always,” ayon sa Pangulo.

“Since we’ve done this so many many times, we know what we need to do, we just have to do it. It comes back down to the coordination,” dagdag na pahayag nito.

Siniguro naman ni Pangulong Marcos sa publiko na kapwa hindi magpapaka-kampante ang pamahalaan sa pagtugon ng pangangailangan ng mga lumikas sa bagyo upang agaran silang maibalik sa kanilang mga tahanan. Kris Jose