Ate Guy, bakunado na!

Ate Guy, bakunado na!

May 30, 2021 @ 10:02 AM 2 years ago


Manila, Philippines – Nakatanggap na ng unang dose ng bakuna si Nora Aunor.

Tinungo ng Superstar ang vaccination site sa Eastwood City nitong May 28, walong araw pagkatapos ng kanyang ika-68 na kaarawan.

Isa si Ate Guy sa mga naniniwala sa kahalagahan ng COVID-19 vaccine bilang proteksyon ngayong panahon ng pandemya.

Sinovac mula sa China ang vaccine brand na itinurok sa kanya. Kung ano raw kasi ang available na brand ay okey lang sa kanya.

Karaniwang hindi agad pinauuwi o pinaaalis sa vaccination site ang taong naturukan upang malaman ang side effects nito sa kanya.

Before and after din ng vaccination ay kinukuha ang blood pressure ng tao.

Ayon sa malapit na showbiz reporter-friend ni Nora, wala naman daw itong naramdaman o naranasang masamang epekto ng vaccination maliban sa bahagyang pangangati raw ng bahagi ng katawang tinurukan.

So far, hanggang kategoryang A3 pa lang ang maaaring makatanggap ng bakuna o mga adults na may comorbidities.

Samantala, nilinaw ng manager ni Coco Martin na dumaan sa tamang proseso ang aktor noong magbakuna sa Barangay Lagro sa Novaliches, Quezon City. Kabilang daw sa A3 list si Coco na may asthma at hypertension kaya hindi totoong sumingit ito sa pila. Ronnie Carrasco III