Ateneo shooting waepek sa seguridad sa SONA-PNP

Ateneo shooting waepek sa seguridad sa SONA-PNP

July 25, 2022 @ 9:28 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes na hindi makakaapekto ang fatal shooting incident sa Ateneo de Manila University noong Linggo sa security measures para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sinabi ni PNP Director for Operations Police Major General Valeriano de Leon na nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy kung paano nagawang makalusot ng baril sa loob ng lugar ang suspek na kinilalang si Dr. Chao-Tiao Yumol, 38 anyos.

“We assure the public that this will not affect the security measures that we planned and now is implementing for the SONA of our President Bongbong Marcos,” pagsisiguro ni de Leon.

Matapos ang pamamaril, inatasan ni PNP Officer-in-Charge Police Lieutenant General Vicente Danao Jr., ang hepe ng Quezon City Police District na si Police Brigadier General Remus Medina na paigtingin pa ang security measures sa Quezon City, ani De Leon.

Ipapatupad ng pulisya ang mas mahigpit na checkpoints at pagpapatupad ng gun ban sa Metro Manila, na nagsimula noong Hulyo 22 at magtatapos sa Hulyo 27.

Noong Linggo, ang dating mayor ng Lamitan, Basilan mayor Rose Furigay, ang kanyang aide na si Victor Capistrano, at ang security guard ng unibersidad na si Jeneven Bandiala ay napatay sa insidente ng pamamaril sa harap ng Areté building sa loob ng campus.

Nakatakdang isagawa ang graduation ng Ateneo Law School sa lugar nang mangyari ang pamamaril.

Ang anak ni Furigay na si Hannah, isang graduating law student, ay nasugatan at dinala sa ospital.

Sinabi ni Medina na si Yumol ay nasa kustodiya at ang pamamaril ay isang “isolated” na insidente. Ayon kay Medina, nauna nang nagsampa ng 76 cyber libel cases ang mga biktima laban kay Yumol.

“We condemn this gun attack. We assure the public that this will be investigated and justice will be served,” ani De Leon. RNT