Atienza sasang-ayon lang sa same-sex marriage ‘pag nabuntis ang lalaki

Atienza sasang-ayon lang sa same-sex marriage ‘pag nabuntis ang lalaki

January 21, 2022 @ 1:57 PM 7 months ago


Manila, Philippines — Iginiit ni vice presidential aspirant Lito Atienza na kahit nirerespeto niya ang karapatan ng LGBTQIA+ community ay sasang-ayon lamang siya sa same-sex marriage oras na mabuntis ang lalaki.

Sa panayam ng Teleradyo kay Atienza, sinabi nito na dapat sundin ng bansa ang ‘natural law.’

“Kapag ‘yung lalaki ay nagdadalangtao na at nanganganak, magbabago ako ng aking pananaw kasi ibig sabihin, nagbago na ang natural law,” paliwanag ni Atienza.

 “Kasi yung babae at lalaki lang yung makakabuo ng sanggol, natural law yun eh. Hindi pwedeng lalaki sa lalaki, babae sa babae. Hindi pwede yung babae sa hayop o lalaki sa hayop. Therefore we must follow natural law.”

Dapat din aniya sumunod sa turo at aral ng mga simbahan kahit pa legal na ang same-sex marriage sa United States.

“Kaya naligaw ang Amerika… marami na silang same-sex marriage na nagaganap. Binabago na nila yung interpretation ng wastong pag-iisip at wastong pagtanggap sa kabuluhan ng buhay. Look at where America is going now,” dagdag pa ni Atienza.

 “Very serious problem, namamaril ang mga bata sa eskwelahan, pumapatay ng tao. Why is this happening? It’s happening because they have also violated natural law.”

Samantala, sa kabila nito ay tiniyak ni Atienza na patuloy niyang dedepensahan ang karapatan ng LGBTQIA+ community.

“I will always defend the rights of anyone to be happy. Ikaw ay pinanganak na gay, lumaki kang gay, you continue being gay, karapatan mo yan. And I will always defend your rights.”

“Under the Constitution, it’s also the right of everyone to be happy. I respect the rights of any citizen to define his own sexuality,” pagpapatuloy pa nito. RNT/FGDC