ATM sa Laguna binaklas, 300K simot!

ATM sa Laguna binaklas, 300K simot!

December 28, 2022 @ 9:04 AM 1 month ago


STA. ROSA, Laguna- TUGIS ngayon ng mga awtoridad ang pinaniniwalaan malaking sindikato ng mga kawatan matapos pasukin ang isang supermarket at natangay ang halagang P300,000 na laman ng automated teller machine (ATM), noong Biyernes ng gabi.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Paul Sabulao, hepe ng Sta. Rosa, Laguna Police Station, mayroon na silang apat na persons of interest na may rekord na rin ng kasong pagnanakaw taon 2019.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya, na eksperto na sa pagnanakaw ang mga suspek dahil pinag-aralan nilang mabuti ang mga plano kung paano pasukin ang supermarket at Disyembre 22 ng gabi ay pinasok nila ito at inabot sila ng madaling-araw ng Disyembre 23.

Dumaan sa likurang bahagi ng supermarket at binutasan ang pader kung saan naglakad lamang ang ito paisa-isa para hindi mahalata.

Base sa mga kuha ng CCTV makikita ang mga suspek na nakasuot ng bonnet, gloves, at kumpleto sa mga kagamitan habang hinahalughog ang mga cash register subalit ng makitang wala itong laman pinuntirya ang ATM.

Dahil magaan lamang ang ATM inilipat ng mga suspek ang pwesto para hindi marinig ng mga guwardya sa labas habang binabaklas.

Sinimot ng mga suspek ang laman ng ATM na umabot sa P300,000.00 saka tumakas.

Nagbabala naman ang pulisya sa publiko at mg establisyemento na maging alerto at mag-ingat dahil sasamantalahin ng mga masasamang loob ang Yuletide season./Mary Anne Sapico