Audience bawal sa pagbabalik ng PBA sa Pebrero

Audience bawal sa pagbabalik ng PBA sa Pebrero

January 26, 2022 @ 1:59 PM 8 months ago


MANILA, Philippines – Inaasahang ipagpapatuloy na sa Pebrero ang  2021 Governors’ Cup pero wala umanong audience muna ang papayagang makapanood ng live.

Sinabi ni Commissioner Willie Marcial na ang liga ay nakikipag-ugnayan sa Smart-Araneta Coliseum, Mall of Asia Arena, at Ynares Sports Arena matapos sumang-ayon ang board na ipagpatuloy ang import-laden conference kasunod ng pagpapaliban nito noong unang bahagi ng buwan.

Ngunit dahil mataas pa rin ang kaso ng COVID-19 bunsod ng variant ng Omicron, nilinaw ni Marcial na muling hindi papayagan ang mga manonood sa pagpasok sa venue kapag muling nilaro ang Governors’ Cup.

Noong Disyembre ay pinayagan ng makapasok sa limitadong kapasidad ang mga fan sa Araneta Coliseum nang ibaba sa Alert Level 2 ang NCR.

Nag-iskedyul pa ang PBA ng playdate sa Mall of Asia Arena para sa Enero ngunit itinigil ng liga ang mga laro dahil sa variant ng Omicron.

Nakipag-usap na ang PBA sa mga venue matapos itong payagan ng Games and Amusements Board na magpatuloy sa pamamagitan ng home-venue-home set-up para sa mga koponan, sa halip na bubble format.

Sinabi ni Marcial na nakikipag-ugnayan na rin ang PBA sa Metro Manila Development Authority sa pamamagitan ni chairman Benhur Abalos para sa pag-apruba ng LGU sa pagsasanay.

“Inaprubahan naman na tayo ng GAB to do the scrimmages and official games. Ang hinihintay ko na lang ang LGUs. Sa LGU, humingi din ako ng tulong kay Chairman Abalos kasi ‘yung practices, anim na cities ‘yun na magpa-paalam,” banat pa ni Marcial.JC