Australia magpapatubo ng halaman sa buwan

Australia magpapatubo ng halaman sa buwan

October 7, 2022 @ 2:42 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Target ng mga siyentipiko sa Australia na magpatubo ng halaman sa buwan pagsapit ng 2025.

Nitong Biyernes, Oktubre 7, sinabi ni Plant biologist Brett Williams ng Queensland University of Technology na dadalhin ang mga buto ng halaman ng Beresheet 2 spacecraft, isang pribadong Israeli Moon mission.

Ang mga butong ito ay didiligan sa loob ng isang sealed chamber makaraan ang landing sa buwan at mahigpit na tututukan ang pagtubo at paglago nito.

Sa mga dadalhin buto, pipiliin ito batay sa kung alin ang makakaligtas sa matinding mga kondisyon ng panahon at kung gaano kabilis tumubo ang mga ito.

Isa rito ay ang tinatawag na “resurrection grass” ng Australia na nabubuhay kahit walang tubig.

“The project is an early step towards growing plants for food, medicine and oxygen production, which are all crucial to establishing human life on the moon,” pahayag ng mga siyentipiko mula Australia.

Dagdag naman ni Caitline Byrt, Associate Professor mula sa Australian National University – Canberra, maaari rin umano nitong matugunan ang isyu ng food security dulot ng climate change.

“If you can create a system for growing plants on the moon, then you can create a system for growing food in some of the most challenging environments on Earth,” ani Byrt.

Ang proyektong ito ay magkatuwang na tinututukan ng mga siyentipiko mula Australia at Israel. RNT/JGC