Automated BSKE sa Oct. 30, inihirit ng solon

Automated BSKE sa Oct. 30, inihirit ng solon

January 26, 2023 @ 1:13 PM 2 months ago


Manila, Philippines – Hinimok ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga, Jr. ang Kamara na pag-aralan ang automation sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) national elections na nakatakda sa Oktubre 30 sa ikabibilis aniya ng resulta at proklamasyon sa mga nagsipagwagi.

Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan ang “human intervention or error and confusion in the appreciation of ballot on an experimental basis on the BSK Elections in large barangays preferably in Metro Manila.”

Ito ang nag-udyok upang ihain ni Barzaga ang House Resolution NO. 717 na humihimok sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na pag-aralan ang “viability and feasibility of adopting the experimental use of the Automated Elections System (AES) in the Barangay and SK elections.”

“Automated elections have proven to be economical as it can accommodate up to more than 1,000 voters per clustered precinct as opposed to the 500 voters per precinct in manual elections which entails hiring more personnel in manual elections,” ani Barzaga.

Magugunitang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong October 10 ng nakaraang taon ang Republic Act (RA) No. 11935 na naglilipat sa barangay at SK elections mula sa October 2022 tungo sa October 30, 2023 at ang mga susunod na eleksyon sa tuwing ikatlong taon.

Sa tala ng October 2022 ay may kabuuang 42,022 barangays sa bansa na may nakaupong Punong Barangay at pitong Sangguniang Barangay members, isang SK chairperson at pitong miyembro.

Ayon kay Barzaga na siya ring chairman ng House committee on natural resources, yaman din lamang na may dalawang balota para sa Barangay na ang botante ay 18 taong gulang pataas at SK para naman sa mga bobotong may edad na 15 hanggang sa 30 taong gulang, ang ginagamit na Vote Counting Machines (VCMs) “can be refurbished and modified to accept two ballots from a single voter who qualifies to vote in both Barangay and SK elections and the machines can tabulate separately the results of the Barangay and SK elections.”

Ayon pa rin sa resolusyon, ang manual elections ay karaniwang dumadaan sa maraming problema kabilang ang dagdag-bawas, maging ang “interpretation and appreciation of ballots” gayundin ang “consolidation of votes in bigger Barangays usually take two to three days unlike in automated elections which immediately transmit the results to the canvassing center upon closing of the voting.”

Tinukoy pa ni Barzaga sa resolusyon na nagawa na ng Commission on Elections (COMELEC) sa nagdaang May 9, 2022 national at local elections na maging mabilis ang resulta ng eleksyon at mataas na bilang ng mga bomoto mula ng gamitin ang AES noong 2010 na naging katanggap-tanggap naman sa publiko.

Sa nabanggit na eleksyon noong 2022 ay umab ot sa 55,290,821 Pilipino ang bomoto mula sa kabuuang rehistradong botante na 65,745,526 o 84.10 percent voter turnout, sa may 106,174 clustered precincts sa buong bansa.

Tinukoy din sa resolusyon na ang COMELEC ay meron ng 97,000 refurbished vote-counting machines (VCMs) na nabili at ginamit noong 2016 na maaaring magamit sa BSK Elections lalo na sa mga pilot barangays.

Simula aniya ng gamitin ang AES ng mga nagdaang eleksyon noong 2010, 2013, 2016, 2019 at 2022 national at local elections ay kabisado na ani Barzaga ng mga botante ang paggamit nito sa pagsasabing, “Filipino voters are well-versed in using the same to cast their votes.” Meliza Maluntag