Automatic suspension ng klase ‘di pa epektibo – DepEd

Automatic suspension ng klase ‘di pa epektibo – DepEd

September 3, 2022 @ 9:00 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi pa epektibo ang kautusan nito na awtomatikong suspensyon ng klase sa mga lugar na nasa ilalim ng “storm warning signals, rainfall at flood warnings.”

Ang paglilinaw ng departamento  ay matapos na ipalabas at ipaskil nito sa kanilang website, araw ng Huwebes ang  DepEd Order 37, na nilagdaan ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte.

“The DepEd Order No. 37, series of 2022 is not yet in effect since it has not been filed in the Office of the National Administrative Register (ONAR) of the UP Law Center which requires a wet signature,” ang nakasaad sa kalatas ng  DepEd.

“It was released as an advance copy in the DepEd website with an electronic signature,” nakasaad pa sa kalatas.

Sinabi ng  DepEd na aalisin muna nila ang  DO mula sa kanilang website at muling ilalathala kasunod ng paghahain ng requirement sa ONAR.

Ang DO ay tinalakay sa huling cabinet meeting, kabilang na ang kahilingan na amiyendahan ang EO 66 “to allow the DO to govern cancellation and suspension of classes.”

Sa ulat, sinabi ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali  na susundin pa rin ng DepEd ang guidelines hinggil sa automatic cancellation ng mga klase sa  tuwing may bagyo na idedeklara ang PAGASA.

Ang katuwiran ni  Umali,  epektibo pa rin kasi  ang ipinatutupad na class suspension noong hindi pa nananalasa ang COVID-19 pandemic.

Nakasaad sa Executive Order 66 noong 2012 ang mga patakaran ukol sa kanselasyon ng klase at trabaho sa mga government offices habang kasagsagan ng bagyo o ano mang kalamidad.

Batay dito, sa oras na magdeklara ang PAGASA ng signal No. 1 ay kaagad kakanselahin ang pasok ng preschool at kindergarten.

Wala namang klase ang elementary at high school kapag signal No. 2, habang suspendido ang pasok ng lahat maging ng mga empleyado kapag signal No, 3 ang bagyo.

Nakapaloob din dito na maaaring magdeklara ng class suspension ang mga alkalde ng lungsod.

Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na raw ang kagawaran sa Malacañang hinggil sa posibleng gawin na amiyenda sa EO 66 alinsunod na rin sa “new normal” system ng blended learning.

Ani Umali, baka kinakailangan na ring mag-adjust ng lahat dahil sa distance learning.

Sa kabila nito may ilang probisyon sa ilalim ng EO 66 ang maaari pa ring ipatupad sa “new normal.” Kris Jose