Autopsy ng PNP, PAO kay Kian delos Santos, kinuwestiyon ni Fortun

Autopsy ng PNP, PAO kay Kian delos Santos, kinuwestiyon ni Fortun

February 3, 2023 @ 10:52 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Kinuwestiyon ng kilalang forensic pathologist na si Dr. Raquel Fortun nitong Huwebes ang isinagawang autopsies sa mga labi ng teenage drug war victim na si Kian delos Santos.

Sa isang press conference, sinabi ni Fortun na nakakuha siya ng bala mula sa leeg ni Kian  kahit na sinabi ng Philippine National Police (PNP) at ng Public Attorney’s Office (PAO) na nagsagawa na ito ng autopsies sa bangkay ni Kian.

“It (bullet) is somewhere in the neck, hindi ko lang alam kung bakit nandoon,” pahayag niya.

“This is really important because this can be connected to a gun which was in possession, which was fired by someone. For how many years, five years. And this is useless if you don’t have something to compare it with,” dagdag ni Fortun.

Ayon sa kanya, itinanong niya ang mga baril na posibleng sangkot sa insidente subalit sinabihan umano siya na nasunog ang mga ito sa police station.

Sinabi ni Fortun na bagama’t nagsagawa na ang PNP ng incision sa katawan ni Kian, wala umanong indikasyon na hiniwa ito at sinuri.

“Kunwari lang pala, hiniwa lang ang balat… Ito ‘yung apparently incision na ginawa nila na sinasabi ‘ay autopsy’ tapos may hiwa rito. May hiniwa ka pero hindi mo tinuloy. So bola-bola lang ang hiwa mo,” paglalahad niya.

Kinuwestiyon din ni Fortun ang autopsy result ng PAO kung saan hindi umano natukoy kung ang limang butas sa bangkay ni ay entry o exit points ng mga bala.

Batay sa autopsy ni Fortun, mayroong tama ng bala sa kaliwang tenga na ipinutok nang malapit  at isa pa sa kaliwang temporal bone, na kapwa lumabas sa kanang bahagi ng ulo ni Kian.

“This is very eyebrow-raising. May nakita siya, apart from the head wounds, na nasa middle back area left… Walang sinabing exit. Hindi rin binuksan apparently. So the bullet was still there,” patuloy niya.

Sa kasalukuyan ay wala pang komento ang PNP at PAO ukol dito.

Pinatay sa pamamaril si Kian, na noo’y 17-anyos, noong August 16, 2017, matapos umanong manlaban sa police anti-drug operation sa Caloocan City. Subalit, batay sa CCTV footage, makikitang dinala siya ng mga pulis sa isang madilim na lugar kung saan siya natagpuang patay kalaunan.

Isang taon matapos ang insidente, tatlong pulis na responsable sa pagpatay ang na-convict ng Caloocan City court sa kasong murder. RNT/SA