Avian flu sa tao ‘di pa naitatala sa bansa – DOH

Avian flu sa tao ‘di pa naitatala sa bansa – DOH

January 13, 2023 @ 4:54 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Wala pang naitatalang kaso ng tao na nahawaan ng avian influenza dito sa bansa, ayon sa Department of Health.

Ang pahayag ng DOH ay matapos na matukoy ang naturang sakit sa ilang bansa.

Ayon kay Dr. Alethea De Guzman, direktor ng Epidemiology bureau,
ang Pilipinas ay kasalukuyang nasa Stage 2 ng 4-tier preparedness at response plan na nangangahulugan na ang bird flu ay kasalukuyang natutukoy pa lamang sa mga domestic fowls.

“Wala pa tayo ni-isang confirmed human avian influenza case and we want to be able to retain that status,” aniya sa virtual town hall meeting.

Ang avian influenza ay isang viral disease na nakakaapekto sa mga ligaw at alagang ibon.

Ang pinakamatinding strain nito ay tinatawag na highly pathogenic avian influenza (HPAI), na kilala rin bilang high path, at kabilang ang H5N1 virus.

Ang strain na ito ay kilala na nakamamatay sa mga manok at posibleng nakamamatay rin sa mga tao, ayon pa sa DOH.

Dagdag pa ng Kagawaran na ang kaso sa mga tao ay nangyari sa mga taong may malapit na ugnayan sa mga may sakit na ibon at kontaminadong materyales.

Sa pinakahuling datos mula sa World Health Organization ay nagpakita na mayroong 868 na kaso ng tao na may avian influenza A (H5N1) na iniulat sa 21 bansa.

Sa bilang, humigit-kumulang 455 na mga pasyente ang namatay, na nagdala ng case fatality rate sa 53 porsyento. Jocelyn Tabangcura-Domenden