AWAY SA DISKARIL NA TREN AT ORINOLA VS PNR

AWAY SA DISKARIL NA TREN AT ORINOLA VS PNR

March 4, 2023 @ 7:52 AM 4 weeks ago


MATINDING away ang nagaganap sa bansang Greece makaraan ang banggaan ng dalawang tren na ikinamatay ng 57 at ikina-missing ng 10 iba pa at ikinasugat ng halos 100 mula sa 350 na pasahero ng isa sa mga tren.

Parehong tumatakbo nang high speed ang mga tren nang magbanggaan sila sa Larissa City dahil sa iisang riles pala sila dumaraan.

Lumiyab agad ang ilang bagon ng pampasaherong tren at hindi ang cargo train bago maghatinggabi sa Greece ilang araw na ang nakararaan.

Unang sinibak kaagad ng gobyerno ang Train Station Master sa Larissa at nagbitiw naman sa tungkulin si Transport Minister Kostas Karamanlis.

Pareho ang dalawa na umako ng pananagutan sa pangyayari.
Pero sinasabi ng mga kritiko na hindi dapat ang dalawa ang sisihin kundi mismo ang pamahalaan.

Meron naman umanong programa para sa rehabilitasyon sa sistemang tren subalit hindi umano binubuhusan ng sapat na pondo.

Magkagayunman, sinasabi ng pamahalaan na hindi nito magawa ang pag-aayos ng mga tren at sistema nito dahil sa dinaranas na krisis-pang-ekonomiya ng bansa, at pinalala pa ito nang tatlong taong pandemyang dala ng COVID-19.

Kabilang umano sa mga naging problema ang napakonting empleyado na nasa 750 lamang samantalang nangangailangan ito ng nasa 2,000.

Napakababa rin umano ang sahod ng mga obrero na naging hadlang sa maayos na paggampan ng kanilang mga tungkulin.

Napababayaan na rin umano ang sistema at nagiging ‘dilapidated’ na ito kaya matagal nang pinangangambahan at kinatatakutan ang mga malalaking disgrasya gaya nang naganap kamakailan.

Bigla tuloy nating naalaala ang dilapidated na sistema sa Philippine National Railways.

Maswerte tayo nang konti dahil sa walang nagbanggaang mga tren sa Pinas sa kabila nang pagsaboy sa mga ito ng mga laman ng orinola kapag dumaraan ang mga sasakyang ito sa mga mga riles na kadalasan ay napaliligiran ng mga kabahayan.