Away sa pera: Misis pinagsasaksak ni mister, mister pinagsasaksak ng anak

Away sa pera: Misis pinagsasaksak ni mister, mister pinagsasaksak ng anak

July 3, 2018 @ 8:57 AM 4 years ago


 

Samar – Patay ang isang ginang matapos pagsasaksakin ng kaniyang mister dahil sa pagtatalo sa pera sa kanilang bahay sa Brgy. Matarinao, Salcedo, Eastern Samar.
Malubha namang nasugatan ang mister matapos gantihan at pagsasaksakin ng kanyang 16-anyos binatilyong anak na nakasaksi sa pamamaslang ng ama sa ina.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nag-away ang mag-asawa dahil umano sa problema ng pamilya sa pera.
Ayon kay Sr. Insp. Jose Tiu Jr., hepe ng Salcedo Municipal Police Station, nagpatugtog ng malakas na musika ang mag-asawa para hindi marinig ng kanilang mga anak ang kanilang pag-aaway.
Pero nauwi ang away sa pananaksak na ikinamatay ng ginang na isang public health associate sa Rural Health Unit ng General MacArthur, Eastern Samar.
Sinasabing tinangka rin ng suspek na saksakin ang 16-anyos na lalaking anak pero naagaw nito ang patalim at pinagsasak naman ang ama.
Nagkaroon ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang suspek at nagpapagamot sa isang ospital sa Tacloban City.
Ang mister na dating barangay secretary ay kinasuhan na ng parricide.
Ani Tiu, ini-refer na rin nila sa mga social worker ang mga anak ng mag-asawa. Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng biktima.
Ayon kay Tiu, minabuti nilang huwag munang pangalanan ang mag-asawa at ang binata para maprotektahan ang kapakanan ng pamilya. NATS TABOY