AYAW NI PBBM MASANGKOT TAYO SA GUSOT

AYAW NI PBBM MASANGKOT TAYO SA GUSOT

January 28, 2023 @ 11:17 AM 2 months ago


KAIBIGAN ng lahat. ‘Yan ang pirmis na paninindigan ng ating Pangulong Bong Bong Marcos para masiguro ang katatagan ng ating ekonomiya at mapanatili ang kapayapaan.

Kaya nga marami man ngayon ang nagkakampi-kampihan lalo na sa hanay ng malalaking bansa, ang Pinas sa ilalim ng Administrasyong Marcos ay mananatiling ‘neutral’ sa lahat.

Ito ay para di tayo masangkot sa anomang gusot lalo na sa magkatunggaling rehimen ng Estados Unidos at Tsina.

Nagagawa ni PBBM na makipag-kooperasyon sa United States of America habang nakikipag-ugnayan sa China sa mga bagay na makaaapekto sa relasyon natin sa kanila para maibsan ang tensyon.

Ito ay kahit na may magkaibang posisyon ang Pinas at China sa isyu ng South China Sea na dinisisyunan na ng  Permanent Arbitration Court sa Hague na pumapabor sa atin at nagpapawalang-bisa sa pang-aangkin ng China noon pang 2016.

Diniskartehan ito ni PBBM nang pumunta siya sa China at kinausap si Chinese President Xi Jinping na dapat ang mga harapan ng mga  bilateral team ng bawat bansa ay makasama ang senior officials ng bawat panig.

Sa kabila nito, nakikipag-usap din si PBBM sa US na palakasin ang depensa ng bawat bansa sa pamamagitan ng pinalakas na Sandatahang Lakas na nagbabantay sa Pilipinas at sa mga yamang dagat natin.

Pero di pumapayag si PBBM na buksan muli ang mga base militar ng US sa Clark at Subic at ipinapaliwanag sa mga Kano na ito ay isinasaad ng ating Saligang Batas.

Sa China, isa sa nilalakad ni Pangulong Marcos ay ang pagsasara sa usapan na kailangan may parte tayo sa anomang likas na yaman na makukuha sa pinagtatalunang teritoryo sa karagatan. Malaking ginhawa sa atin kapag ito’y magkatuluyan. Wala pang gusot na iiwanan.

                                                                           oOo   oOo   oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!